MATAPOS bawiin ng nasa 32 indibidwal ang mga sinumpaang salaysay kaugnay ng tinaguriang “flood control scandal,” wala nang dahilan ang Office of the Ombudsman para sampahan pa ng kaso si dating House Speaker Martin Romualdez. “Wala po kaming nakikitang dahilan kaya ang aming panalangin, ang aming hiling sa tanggapan ng Ombudsman ay i-dismiss na po ito, ibasura na itong reklamo laban kay former Speaker Romualdez,” pahayag ni Atty. Ade Fajardo na tumatayong abogado at tagapagsalita ng dating lider ng Kamara. “Wala pong credible witness, kasi nga marami ng naglabasan na mga cross witnesses na sinasabing walang nangyaring ganyang delivery ng maleta eh. Eto po ay galing na sa iisang grupo. Pareho silang mga drivers, security, administrative aide ni former Congressman Zaldy Co,” dagdag niya. Giit ni Fajardo, wala kahit isang testigo ang direktang nagdadawit kay Romualdez sa flood control anomalies at maging sa alegasyon pagtanggap ng male-maletang pera bilang kickbacks. “Kahit si secretary, dating Kalihim (Manuel) Bonoan ay hindi naman nagsalita tungkol dito, hindi naman siya nag-ugnay kay Congressman Romualdez sa flood control scam ano. Walang ganun testimonya,” saad pa ng abogado. “Wala rin kahit sinong district engineer or assistant district engineer o kahit sinong personnel on ground, kasi nga wala namang iniuugnay na kahit anong particular na proyekto tungkol sa flood control na hindi nangyari or hindi ginawa or pinakialaman ni former Speaker Romualdez,” dugtong niya. Maging sa hanay aniya ng mga tinukoy na kontratistang nakakopo ng malalaking proyekto sa gobyerno, walang lumalantad para kaladkarin si Romualdez sa isyu. Samantala, sinabi Fajardo na hanggang sa ngayon ay hinihintay pa nila ang ipinangalandakan ng Ombudsman na mayroon umanong 28 iba pang testigo ang hawak nito laban sa former House speaker. “’Yun ang naging statement last week ng tanggapan ng Ombudsman. Pero hanggang ngayon po hindi pa namin nakikita or nababasa or nalalaman kung sino itong 28 witnesses.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Halaga ng piso sumadsad sa P62.25 kada dolyar Retirement age sa PNP, bet ni Jonvic itaas sa 60-anyos