TUNAY nga bang ligtas ang bakuna kontra tigdas na itinuturok ng pamahalaan sa mga bata?

Sa isang kalatas, tiniyak ng Department of Health (DOH) na ligtas ang measles-rubella (MR) vaccine sa kabila pa ng mga mga ulat hinggil sa  pagpanaw ng dalawang batang tinurukan ng nasabing bakuna.

Naglabas ng pahayag ang DOH matapos lumabas ang panibagong balita sa pagpanaw ng isang bata sa Cebu matapos umanong makatanggap ng measles-rubella (MR) vaccine. Ilang linggo na ang nakalipas nang mapaulat ang pagkasawi ng isang mag-aaral matapos turukan ng MR vaccine sa isang pampublikong paaralan sa Cavite.

Ayon sa DOH, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa local health unit bilang bahagi ng imbestigasyon.

Batay sa impormasyon na nakalap ng kagawaran sa Dumanjug Primary Care Facility, nabakunahan ang bata noong Agosto 10 at pumanaw noong Agosto 24.

Kabilang sa mga sinislip sa isinasagawang imbestigasyon ang pagsusuri ng  DOH sa clinical records, vaccination history, resulta ng laboratory tests at iba pang medical information upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay.

“Kailangan munang dumaan ang mga ganitong kaso sa masusing pagsusuri at imbestigasyon ng mga eksperto upang matukoy kung may kaugnayan sa pagbabakuna o kung may iba pang posibleng sanhi,” dagdag pa ng ahensya.

Giit ng DOH, ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa mga sakit na maaaring maiwasan, kabilang ang tigdas at rubella.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *