PARA sa House prosecution panel, sapat ang testimonya ng dalawang opisyales ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagdinig ng Senate impeachment court kaugnay ng mga kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua na kabilang sa House prosecution panel, wala na rin dahilan para gamitin din ng defense panel bilang testigo sina Army Colonels Manaros Boransing II at Magtanggol Panopio.

Wala na rin aniyang plano ang lupon ng tagausig na ipatawag pa sa witness stand sina Lt. Col. Carlos Sandaan Jr. at retired Maj. Gen. Adonis Bajao.

“Kung siguro masasabi natin na iisa lang naman yung sasabihin nila, so kagaya din ang sinasabi namin, to shorten — ayaw naman natin ng protracted hearing. Gusto natin matapos na rin ito as long as satisfied naman na kami,” dagdag pa ni Chua.

Una nang iginiit ni Boransing na walang natanggap na confidential fund  mula sa Department of Education (DepEd) ang kinabibilangang 1st Infantry “Tabak” Division sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang kalihim ng naturang ahensya.

Hindi rin aniya bahagi ang AFP sa Youth Leadership Summit at 53 information education communication activities na sinasabing pinondohan ng nabanggit na kagawaran.

Gayunpaman, inamin ng military official na nag-isyu ng certification ang 1st Infantry Division, subalit hindi niya umano alam na ang dokumento ay ginamit ng DepEd para patunayan kung saan ginasta ang P15.54 million na bahagi ng confidential funds.

Ganito rin ang halos ang sinabi ni Panopio kaya para sa prosekusyon ay sapat na ang testimonya ng dalawa para pabigatin ang alegasyon laban sa maling paggastos ng confidential funds. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *