KINUMPIRMA ni House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon na hawak na ng lupon ng tagausig ang kopya ng bank at tax records ng mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.

Target ng prosekusyon gamitin ang mga naturang dokumento bilang ebidensya sa paglalatag ng Article 2 ng impeachment charges laban sa bise presidente. 

“Noong hapon ay binigyan na po ng kopya ang prosecution panel ng lahat ng bank information na hiningi mula po sa ating Pangalawang Pangulo, sa kanya pong asawa at sa kanilang mga kumpanya,” wika ni Ridon sa isang press conference.

“Binigyan na rin po ng kopya ng Senate Impeachment Court ang prosecution panel ng lahat po ng tax documents ng Pangalawang Pangulo, ng kanya pong asawa, at ng kanilang mga kumpanya,” dagdag niya.

Buwan ng Hulyo nang hiniling ng prosekusyon sa impeachment court ang pag-iisyu ng subpoena para sa financial records ng mag-asawang Carpio.

Ayon kay Ridon, anim na bangko ang tumugon habang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nagsumite sa Senate impeachment court ng tax documents kung saan matapos makumpleto ang inventory at security procedures ay binigyan nito ng kopya ang kopya ang dalawang panig sa paglilitis sa bise presidente.

Ani Ridon, masusing bubusisiin ang mga nasabing dokumento bilang paghahanda na rin sa pagprisinta ng Article 2, na nag-aakusa sa bise presidente ng pagkakaroon ng unexplained wealth, maling pagdedeklara ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) at pagkakaroon ng business interests, na bawal sa isang may posisyon sa gobyerno.

“Pag-aaralan po namin ang lahat ng bank accounts at tax documents ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawa at ng kanilang mga kumpanya, para makita natin kung magko-constitute ba ang mga ebidensyang ito para patunayan iyong mga alegasyon sa unexplained wealth article,” sabi pa ng Bicol Saro partylist solon.

“Ito po iyong nagko-constitute ng last important pillar nung mga ebidensya na gagamitin para sa unexplained wealth article.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *