SANG-AYON si House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers na babaan ang voting threshold o kinakailangang bilang ng boto ng senator-judges para hatulan si Vice President Sara Duterte. Ayon kay Barbers, tama o makatwiran ang naturang hakbang batay na rin sa kasalukuyang sitwasyon sa senado na tumatayong impeachment court. Partikular na tinukoy ni Barbers ang hindi personal na pagdalo sa paglilitis ng ilang senador dahil sa magkakaibang kadahilan. “Ako personally pabor ako. Paano ka naman magre-render ng decision kung hindi mo naman nakita na ang mga ebidensya, hindi mo lang nadinig o hindi mo lang nasuri, at hindi mo rin nakita yung demeanor nung witness?,” paglalahad ni Barbers. “Napaka-importante yun sa isang judge. So, you have to listen to the evidence; you have to weigh all this evidence before you come up with a final judgement. Paano ka makakapag-render ng honest to goodness, objective and fair na decision kapag ka hindi mo naman nakita yung mga ebidensya nito at saka testimonya nito?” Ikinalugod din ng dating kongresista ang impormasyong ibinahagi ni Senador Juan Miguel Zubiri hinggil sa mga kapwa senador na umano’y bukas sa pagtalakay ng 16-vote threshold na itinakda ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis Escudero. Ayon kay Zubiri, hindi dapat ipagwalang bahala ang limitadong partisipasyon ng ilang senator-judges gaya nina Senators Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada, na kapwa nahaharap sa magkahiwalay na plunder charges, ang pagtatago ni Senator Ronald Dela Rosa, at hiling na extended medical leave naman ni Senator Loren Legarda. Subalit bukod sa pagtalakay mismo ng Senate Impeachment Court sa usapin ng voting threshold, naniniwala si Barbers na ang Supreme Court (SC) ang may kapangyarihan para resolbahin ang nasabing usapin. “Ang Korte Suprema ay hindi pa naman ito pag-uusapan hangga’t wala pang controversy o wala pang injury to any of the parties, or aggrieved party, so to speak. So, ito ay mahalaga para sa amin na mapag-usapan ng mga senator-judges dahil maaring sila ang gumawa ng paraan na para maging justiciable yung isyung ito at ito ay pwede nang iakyat sa Korte Suprema for their final interpretation.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Kuta ni Bato tukoy na, NBI tuma-tayming pa