MATAPOS ang mahigit kalahating taon ng pagbabanta, tuluyan isinampa ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kontrobersyal na flood control scandal.

Bukod kay Romualdez, kasamang inasunto si former Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dapa pang indibidwal kaugnay ng umano’y katiwalian sa likod ng P7.4-bilyong flood control project na pinangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang pulong-balitaan, inihayag din ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi lang plunder case ang kakaharapin ng dating lider ng Kamara.

“It’s a series of cases… hindi lang ito [plunder], marami pang kasong ihahain dito. Bukod sa plunder, may iba pang plunder cases at marami rito, money laundering cases,” wika ni Remulla.

Sa panig ni Kabataan partylist Renee Co, sinabi niyang hindi dapat matapos kay Romualdez ang paghahain ng kasong kriminal sa iba pang opisyal na dawit sa maanomalyang flood control projects.

“Martin Romualdez is just the tip of the iceberg. Hindi pa siya ang tunay na ‘big fish’,” ani Co.

“Hindi nagsimula at hindi matatapos kay Martin Romualdez ang laban kontra korapsyon. Binaha natin ang Luneta noon ng mga panawagan natin, gagawin natin ito uli hangga’t mapanagot LAHAT ng sangkot,” dagdag pa ng mambabatas.

Nang tanungin kung sino pa ang dapat managot, hayagang tinukoy ni Co si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang miyembro ng gabinete tulad nina dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, dating Assistant Secretary Adrian Bersamin, dating Executive Secretary Lucas Bersamin at dating Education Undersecretary Trygve Olaivar

“We will let justice and due process take its course, but the executive department cannot escape accountability. Dapat may kaso din ang mga miyembro ng gabinete na sangkot sa korapsyon. Dapat managot din si PBBM.”

Kumbinsido rin ang militanteng mambabatas na hindi mawawala ang korapsyon sa gobyerno hanggat hindi seryoso ang administrasyon.

Katunayan aniya, may pork barrel sa proposed 2027 national budget.

“Kung seryoso ang Marcos Jr. administration sa pananagutan, bakit may pork barrel pa rin sa badyet ng 2027? May LGSF na tinataasan ang badyet habang tinatapyasan ang badyet sa mga serbisyong panlipunan. Bumalik ang bilyones sa flood control projects na kalakhan ay nakasentro sa DPWH Central Office,” ani Co.

“Bukod rito, malaya rin ang mga engineer at ibang mataas na opisyales. Bakit back to normal ang hindi-maka-mamamayang badyet sa gitna ng hindi pa rin natatapos na corruption scandal?”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *