LABING-ISA sa kabuuang 15 kontratang nasungkit ng GenCorp Industries Inc. sa Davao City ang hindi dumaan sa public bidding.
Sa testimonya ni Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña sa pagdinig ng Senate impeachment court, nakuha ng GenCorp ang tinatayang P7 hanggang P8 milyong halaga ng kontrata sa bisa ng “negotiated small-value procurement.”
Kabilang ang GenCorp sa mga negosyong idineklara ni Vice President Sara Duterte sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Sa pag-usisa ni Senator-Judge Risa Hontiveros, inamin na Sopeña, apat lang ang dumaan sa regular bidding process ng lokal na pamahalaan ng Davao na pinamumunuan ni Davao City Mayor Baste Duterte, ang nakababatang kapatid ng pangalawang pangulo.
“Sa mga kontrata ng Davao City LGU na in-award sa GenCorp, ilan po ang hindi dumaan sa public bidding?,” tanong ni Hontiveros.
“Based on, if I remember it right, 15 po—11 po ang hindi dumaan sa public bidding,” sagot ni Sopeña. “Yung 11 po is through negotiated small-value procurement, So roughly, mga nasa ₱8 million or ₱7 million siguro po ito,” dagdag ng PhilGEPS officer.
Hindi naman sinabi ni Sopeña kung ang negotiated small-value procurement ay ipinagbabawal, sa halip ay binigyan-diin na limitado lamang sa datos ng kanilang tanggapan kanyang maaaring sabihin.
“We are heavily dependent kung ano po yung data na ini-input ng procuring entity,” paliwanag pa niya.
Samantala, nanindigan naman si lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi dapat pumasok sa kontrata ang Gencorp sa alinmang tanggapan ng pamahalaan lalo pa’t may “business interest” sa korporasyon ang bise presidente
“While the procurement law, Your Honor, is not very much explicit on this, it is my humble submission that this is the conflict of interest contemplated under Article VII, Section 13 of the Constitution,” diin ni Luistro
Nakapaloob sa nasabing probisyon ng Saligang Batas ang pagbabawal sa President, Vice-President, Cabinet members, at kanilang deputies o assistants na humawak ng iba pang tanggapan, mag-practice ng kanilang professions, magnegosyo o magkaroon ng financial interests sa government contracts o franchises habang nasa posisyon, para maiwasan ang pagkakaroon ng conflicts of interest.
