HABANG abala ang buong bansa sa isinusulong na impeachment laban sa pangalawang pangulo, sinamantala ng ilang opisyal sa pamahalaan ang pagkakataon para sa sariling kapritso.
Sa lalawigan ng Pangasinan, tatlong lokal na pamahalaan ang naghain ng petisyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hinggil sa pondong sadyang inilaan ng naturang ahensya bilang ayuda sa mga maralita.
Sa naturang petisyon, partikular na tinukoy ang mga pondong inilaan ng PhilHealth sa programang Yakap ng Kalusugan (YAKAP) para sa mga pobreng benepisyaryo mula sa mga bayan ng Malasiqui, Bayambang at Urdaneta City.
Bilang tugon, pormal na naghain ng petisyon sa PhilHealth ang mga lokal na pamahalaan ng mga nabanggit na bayan sa lalawigan ng Pangasinan para sa agarang aksyon hinggil sa
Ayon kay Atty. Hue Jyro U. Go, ma tumatayong tagapagsalita ng tatlong lokalidad, tila may milagrong nagaganap. Dangan naman kasi, ang P1,700 na inilaan ng PhilHealth sa kada benepisyaryo, P340 (katumbas ng 20 percent) lang ang aktwal na napupunta sa mga tao.
Kasi nga, dumadaan pa sa kapitolyo! Sa isang banda, tama lang naman lalo pa’t kasabihan ng mga nakatatanda — “Walang taong hindi mauulingan kung siya ang may hawak ng palayok.”
Sa aking pag-uusisa, lumalabas na 80 percent (katumbas ng P1,360) ng P1,700 na inilaan sa kada benepisyaryo ng YAKAP program ang pumapasok sa kapitolyo.
Nang humingi ng paglilinaw ang tatlong lokal na pamahalaan, walang tugon ang kapitolyo.
Pero teka, wala akong sinasabing ninakaw ng mga taga kapitolyo ang pondo ha. Ang sinasabi ko lang, dapat ibigay ang para kay Juan lalo pa’t sagad na ang mga mamamayan sa kahirapan dahil na rin marahil sa kultura ng katiwalian sa pamahalaan.
Wala pang tugon ang PhilHealth sa petisyon ng mga lokal na pamahalaan ng Malasiqui, Bayambang at Urdaneta City.
Subalit sakaling may makitang anomalya sa gagawing pagsusuri, dapat ireklamo sa Ombudsman…. Baka sakali may masampolan.
