PARA kay Senador Mark Villar, higit pa sa kampeonato ang Women’s Tennis Association (WTA) 500 Tour bitbit pauwi ng Pinay tennis star na si Alex Eala.
Sa Senado, isang panukala ang inihain ni Villar bilang pagbibigay-pugay kay Eala matapos masungkit ang kampeonato sa 2026 Mubadala DC Open, bilang kauna-unahang Pinay tennis player na nagwagi sa isang prestihiyosong paligsahan.
Sa paghahain ng Senate Resolution 564, iminungkahi ni Villar ang natatanging pagkilala sa makasaysayang tagumpay ni Eala makaraang talunin ang ilan sa pinakamahusay na manlalaro sa mundo sa kanyang pag-usad patungo sa kampeonato.
Kabilang sa mga tinalo ni Eala sina Olympic champion Zheng Qingwen, defending champion Leylah Fernandez, World No. 10 Elina Svitolina, dating World No. 1 Naomi Osaka, at World No. 3 Jessica Pegula sa isang kapanapanabik na three-set championship match.
Dahil sa kanyang panalo, umakyat ang world ranking ni Eala sa ika-20 pwesto — ang pinakamataas na naabot ng isang Pilipinong atleta sa larangan ng tennis, partikular sa WTA.
Lalo pa aniyang pinagtibay ang kanyang pwesto sa hanay ng pinakamahusay na tennis players sa buong mundo.
“Vamos, Alex! Ang tagumpay mo ay patunay na world-class ang atletang Pilipino. Isa ka nang kampeon, ngunit naniniwala akong marami ka pang maaabot. Kapag lumago, hindi na hihinto. Patuloy kang mangarap, magsikap, at ipagmalaki ang Pilipinas sa bawat laban,” ani Villar.
Ayon sa senador, ang kahanga-hangang pag-angat ni Eala ay bunga ng maraming taong sipag, disiplina, at tiyaga. Aniya, ang kanyang mga tagumpay ay nagbibigay ng inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga Pilipino na mangarap nang malaki at maniwalang kaya rin nilang makipagsabayan sa pinakamahusay sa mundo.
Sa murang edad na 21, muling isinulat ni Eala ang kasaysayan ng tennis sa Pilipinas. Siya ang kauna-unahang Pilipinong nag kampeon sa Grand Slam junior singles noong 2022, ang unang Pilipino sa Open Era na nagwagi sa isang Grand Slam main-draw singles match, isang Asian Games medalist, Southeast Asian Games gold medalist, at ngayon ay ang kauna-unahang Pilipinong WTA Tour singles champion.
Pinuri rin ni Villar ang karakter ni Eala, na aniya’y higit pang nagpapatibay sa kanyang pagiging huwaran ng kabataang Pilipino.
“Ang higit na kahanga-hanga kay Alex ay ang kanyang karakter. Sa bawat panayam at pagharap sa publiko, makikita ang kanyang kababaang-loob, paggalang sa kanyang mga katunggali, at pagmamalaki sa Pilipinas. Patunay ito na isa siyang huwarang atleta at mabuting mamamayan,” ani Villar.
Kumbinsido rin ang mambabatas na ang makasaysayang tagumpay ni Eala ay simula pa lamang ng mas marami pang kampeonatong mapapanalunan sa hinaharap.
“Napakarami mo nang naabot, ngunit naniniwala akong simula pa lamang ito. Inaasahan naming mas marami ka pang mapapanalunang titulo at, balang araw, maiuuwi mo rin ang isang Grand Slam championship para sa Pilipinas. Ang buong sambayanang Pilipino ay nasa likod mo at ipinagmamalaki ang bawat tagumpay na iyong nakakamit. Congratulations, Alex, at vamos!” pagtatapos ni Villar.
