PIPILITIN ng Senate impeachment court tapusin ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte sa loob ng 45 araw, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Sa pagtataya ni Gatchalian, posibleng ilabas ang hatol bago matapos ang buwan ng Nobyembre.

“Siguro mga mid-November, mid-November to end-November. Hopefully. Hopefully,” wika ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo.

Aniya, umaasa ang korte na matatapos ngayong linggo ang pagtalakay ng Article II kaugnay ng tagong yaman ni Duterte.

“This week to next week, matapos na itong Article 2 or Unexplained Wealth. Tapos, papasok naman tayo doon sa Article 4 or yung bribery. Tapos, after that, yung defense na. So, hopefully, sa defense, mas episyente na yung magiging takbo dahil nga sanay na yung mga ano,” sambit ni Gatchalian.

“So between 30 to 45 days. But I can be wrong, dahil maraming, like I said, maraming pagbabago kasi in the middle. Personal estimate,” aniya pa.

Nang tanungin ano ang nagpabilis sa pagdinig, partikular na tinukoy ni  Gatchalian ang pagbabawas ng testigo ng prosekusyon at ang paglalaan ng buong araw para sa paglilitis.

“Depende kasi yan sa ipipresentang mga witnesses. Kagaya nung itong confidential funds, kaagad limang witnesses tinanggal. So kaagad na bawasan kaagad. So itong unexplained wealth, may mga tinanggal rin, mga witnesses. So depende rin yan,” ani Gatchalian.

Una nang sinabi ni Impeachment court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na posibleng maglabas ng pinal na hatol ang korte pagsapit ng Disyembre 16, 2026.

“Yun ang estimate ng spokesperson base rin sa mga testigong ipiprisinta at tinanggal. Kasi depende rin yan sa mga testigo. At malaking bagay kasi itong 11 days na whole day,” paliwanag ng senador.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *