SA hangarin ipamukha sa Pilipinas ang paghahari-harian sa buong South China Sea, nangahas ang Chinese Coast Guard (CCG) iwagayway ang bandila ng China sa Bajo de Masinloc. Sa isang pahayag, kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isinagawang National Day flag-raising ceremony ng China Coast Guard (CCG) sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone (EEZ). Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela, isang malinaw na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 arbitral ruling ang ginawa ng China. Giit ni Tarriela, hindi mababago ng isang simpleng “flag-raising” ang legal na katayuan ng karagatang pasok sa EEZ ng Pilipinas. Samantala, kinumpirma ng Chinese Embassy sa Maynila ang pagsasagawa ng flag-raising ceremony ang mga tauhan ng CCG sa katubigang malapit sa Huangyan Dao, ang tawag ng China sa Bajo de Masinloc. Sa pahayag ng embahada, bahagi lamang umano ng pagbabantay sa maritime sovereignty ng China ang isinagawa ng CCG. Samantala, tinawag na “misleading” ni Tarriela ang pahayag ng embahada ng China, kasabay ng giit na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at saklaw ng Philippine Maritime Zones Act at UNCLOS. Aniya ang Bajo de Masinloc ang nasa loob ng “territorial sea” at “contiguous zone” ng Pilipinas. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Burden of evidence nasa panig na ng depensa — Atty. Kapunan