HIGIT pa sa medalya ang dapat pagtuunan ng pamahalaan sa larangan ng palakasan, ayon kay Senador Mark Villar kasabay ng pagkilala sa mga atletang Pinoy na nagbigay karangalan sa bansa. Sa isang kalatas, binigyang-pugay ni Villar ang delegasyon ng Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, matapos magtala ng kasaysayan sa anyo ng 29 medalya — pinakamalaking medal haul sa loob ng anim na dekada. Sa pagtatapos ng Asian Games, nakasungkit ng 29 medalya ang Pilipinas —apat na ginto, siyam na pilak at 16 na tanso. Ayon kay Senador Villar, ang ipinamalas ng mga atletang Pilipino ay isang natatanging karangalan para sa bansa at patunay ng likas na husay at potensyal ng mga Pilipino sa larangan ng sports. “Ang 29-medal haul ng ating mga atleta ay patunay na napakalaki ng potensyal ng Pilipino sa sports. Congratulations sa ating mga atleta—isa kayong inspirasyon sa ating kabataan!” ani Villar. Nanguna sa medal campaign ng Pilipinas sina Carlos Edriel “Caloy” Yulo, na nag-uwi ng dalawang gintong medalya sa men’s floor exercise at men’s vault; EJ Obiena, na muling nagkampeon sa men’s pole vault at nagtala ng bagong Asian Games record na 5.91 metro; at Jeus Gabriel Yape, na nagkamit ng ginto sa mixed individual virtual taekwondo. Nag-uwi rin ang Pilipinas ng siyam na pilak sa pangunguna ng Gilas Pilipinas Women’s 3×3 basketball team, Carlo Paalam, Kurt Bryan Barbosa, Tachiana Keizha Mangin, Juliana Mykhail Candelaria, Luz Alexandra Enriquez, Jean Claude Saclag, Marie June Adriano, at women’s sepak takraw team. Ang 16 na tansong medalya naman ay mula sa iba’t ibang disiplina tulad ng tennis, gymnastics, weightlifting, athletics, beach volleyball, e-sports, jiu-jitsu, karate, MMA, sepak takraw, soft tennis, skateboarding at taekwondo. Para kay Villar, ipinapakita ng lawak ng medal haul ng bansa na kayang magtagumpay ng mga atletang Pilipino sa iba’t ibang sports kung mabibigyan sila ng sapat na oportunidad, paghahanda at tuloy-tuloy na suporta. “Ang tagumpay sa Asian Games ay hindi lamang bunga ng isang kompetisyon. Bago makarating sa podium ang isang atleta, may mahabang proseso ng training, coaching, disiplina, kompetisyon at suporta. Kaya kailangan natin ng pangmatagalang plano upang matiyak na may susunod na henerasyon na handang humalili at magdala ng bandila ng Pilipinas sa international stage,” ani Villar. Sinabi ni Villar na ito ang layuning isinusulong ng Senate Bill No. 2531, o ang panukalang “Roadmap for Sports Excellence Act,” na naglalayong magtatag ng 20-taong pambansang balangkas para sa pagpapaunlad ng sports, mula sa grassroots talent identification at training hanggang sa elite at international competition. Sa ilalim ng panukala, bubuo ang Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC) at National Academy for Sports (NAS), ng pangmatagalang Sports Excellence Roadmap upang palakasin ang grassroots programs, maagang matukoy ang mga promising athlete, magbigay ng training at competition assistance, at malinang ang mga atletang may potensyal na makipagkompetensya sa pinakamataas na antas. Inaatasan din ng panukala ang National Sports Associations na bumuo ng pangmatagalang development plans para sa kani-kanilang sports at magtatag ng mas sistematikong paraan ng pagtukoy sa mga promising athlete sa pamamagitan ng local at national competitions. Higit pa sa training at kompetisyon, layunin ng SB No. 2531 na palakasin ang kabuuang support system para sa mga atletang Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon, scholarships at grants, sports science, healthcare at nutrition, training facilities at equipment, kapakanan ng atleta, benefits at incentives, pondo, at public-private partnerships. “Ang bawat medalya ay kuwento ng talento, sakripisyo at determinasyon. Nais nating gawing mas malawak ang oportunidad na ito upang mas marami pang batang Pilipino ang matuklasan ang kanilang talento, mahasa ito at balang araw ay maging bahagi ng ating mga atletang nagdadala ng karangalan sa bansa,” ani Villar. Dagdag pa niya, ang performance ng bansa sa Asian Games ay hindi lamang dapat ipagdiwang kundi magsilbi ring inspirasyon upang higit pang mamuhunan sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino. “Ipinagdiriwang natin ang tagumpay ng ating mga atleta ngayon, habang patuloy din nating inihahanda ang mga kampeon ng bukas. Ang 20-year Sports Excellence Roadmap ay hakbang tungo sa isang sistemang tuloy-tuloy na huhubog ng talento, magbibigay ng oportunidad at magpapalakas sa ating mga Pinoy athletes,” ani Villar. Sa paghahanda naman para sa 2028 Los Angeles Olympics, sinabi ni Villar na kailangang ipagpatuloy ang momentum ng mga atletang Pilipino at palawakin ang mga oportunidad para sa kanila na makipagkompetensya sa pinakamataas na antas. “Muli, congratulations at mabuhay ang ating mga medalists! Asahan ninyo ang patuloy na buong-pusong suporta ng sambayanang Pilipino at ng Senado. Sa Los Angeles 2028 Olympics, sama-sama nating hangarin at suportahan ang mas marami pang medalya para sa Pilipinas. Good luck sa ating mga atleta!. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Gatchalian nalula sa P2.7-B transactions ni Duterte