SA nalalapit na pagtatapos ng paglilitis ng Senate impeachment court, pormal na dumulog sa Korte Suprema ang dalawang senador na bahagi ng minorya.

Sa Petition for Certiorari and Prohibition na inihain sa Korte Suprema, hiniling nina Senador Robin Padilla at Senador Bong Go na ibalik sa 16 boto ang kinakailangang threshold para sa “conviction” ni Vice President Sara Duterte.

Bukod kina Padilla at Go, kasama sa mga lumagda ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at ilan pang abogado at mga ordinaryong mamamayan.

Partikular na kinuwestyon ng mga petitioner ang ruling ng Senate impeachment court noong Setyembre 23 na nagtakda ng 2/3 votes base sa bilang ng mga senator-judges na dumalo mula sa paglilitis hanggang takdang araw ng paglabas ng hatol.

Sa naturang ruling iginiit ng mayorya na tanging mga senador na itinuturing na “legally and factually capable of participating” sa paglilitis ang pwedeng bumoto.

Giit ng mga petitioner, malinaw ang nakasaad sa Konstitusyon — 2/3 ng kabuuang bilang ng mga halal na senador.

“The Constitution says two-thirds of all the Members of the Senate. With twenty-four Senators, that is sixteen,” saad sa isang bahagi ng petisyon.

Anang mga petitioner, nananatiling miyembro ng Senado ang isang senador kahit absent, detained, may sakit o nasa ilalim ng legal restraint, at sinabing lahat ng 24 na pwesto sa Senado ay okupado at walang nabakanteng pwesto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *