IKINATUWA ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun ang pagkakaaresto kay Atty. Levito Baligod at 14 na miyembro ng tinaguriang “Maleta Boys” kaugnay sa inihain niyang kaso laban sa mga ito.

Kasabay nito, nilinaw ni Khonghun na hindi paghihiganti ang kanyang pag-asunto sa grupo ni Baligod, at mariing sinabing sa halip ay “katarungan, katotohanan, at paggalang sa batas ang aking ipinaglalaban.”

Ayon sa ranking House official, tiwala siya sa sistema ng hustisya at ang paglabas ng arrest warrants ay magbibigay din ng pagkakataon sa korte na timbangin ang ibinibintang sa kanya ng mga akusado, na nakasira sa kanyang reputasyon kaya marapat lamang umano niyang ipagtanggol ang sarili.

“Sa kabila ng mga paratang laban sa akin, pinili kong manahimik at dumaan sa tamang proseso ng batas. Hindi ako nagsampa ng kaso upang gumanti o manakot, kundi upang ipagtanggol ang aking pangalan, pamilya, at dignidad bilang lingkod-bayan,” sambit ni Khonghun.

Partikular na pinalagan ni Khonghun ang pagdawit sa kanya nila Baligod sa flood control anomalies, kasama na ang sinasabing pagtanggap ng male-maletang pera, kung saan hindi lamang umano personal na reputasyon ang nakaladkad kundi maging ng kanyang pamilya kaya minabuti niyang gumawa ng legal na hakbang.

“Iginagalang ko ang karapatan ng bawat isa na magpahayag, ngunit ang mga seryosong akusasyon ay dapat may sapat na ebidensya at pananagutan,” paggigiit niya.

Kasong unjust vexation, sa ilalim ng Revised Penal Code at may kaugnayan din sa Cybercrime Prevention Act ang isinampang kaso ng kongresista Regional Trial Court Branch 69 in Iba, Zambales, sa inisyung arrest warrants ay itinakda ang piyansa ng P10,000 ang bawat akusado.

“Ang paglalabas ng warrant of arrest ay bahagi lamang ng proseso. Ang hukuman pa rin ang magpapasya kung sino ang may pananagutan batay sa ebidensya at batas,” diin ni Khonghun.

“Hindi ko kailangang makipagpalitan ng maaanghang na salita. Mas mahalaga ang katotohanan kaysa ingay at ang katarungan kaysa paghihiganti,” punto nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *