INARESTO ng mga operatiba ng Quezon Police District (QCPD) ang isang batikang peryodista sa bisa ng mandamiento de arresto kaugnay ng kasong cyber libel. Sa ulat ng QCPD, kinilala ang inarestong mamamahayag na si Philip Lustre Jr., kolumnista ng isang pahayagan na nakabase sa lungsod ng Maynila. Kwento ng mga saksi, dakong alas 11:00 ng umaga nang dakpin ng mga operatiba mula sa Warrant Section ng Kamuning Police Station, sa pakikipag-ugnayan ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team at sa Cyber Patroller and Tracker Team. Kabilang si Lustre sa mga peryosdistang dumalo sa lingguhang Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa kahabaan ng Scout Borromeo Street ng nasabing lungsod. Sa impormasyong ibinahagi ng QCPD, dinakip ang beteranong kolumnista sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Davao City Regional Trial Court Branch 10. “Ilalaban ko ito, hindi ko uurungan ito,” wika ni Lustre habang nakaposas kasama ang mga arresting officers. Pag-amin ng kolumnista, wala siyang ideya kung alin sa kanyang na isinulat na pitak ang naging dahilan para sampahan ng kaso. Hindi rin niya umano alam kung sino ang nagreklamo. “Hindi ko alam kung sino ang complainant… taga-Davao City raw ang complainant,” aniya pa. Higit na kilala si Lustre sa matapang na pamamahayag, bukod pa sa pag-akda ng aklat na may kaugnayan sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon. Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya ang mamamahayag. Samantala, kinondena ng iba’t ibang media organization at mga kapwa peryodista ang umano’y panibagong tangka para supilin ang karapatan sa pamamahayag. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Chief of Police ng Pasay, sinampolan ni Abrahano