PATULOY pa ring inaalam ng local law enforcement agencies kung ang nasabat na 521-kilong shabu, na tinatayang may kabuuang halaga na P3.5 billion at lulan ng isang chartered jet plane, ay sa Pilipinas ibabagsak.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isagani Nerez na patuloy ang case buildup hinggil sa naturang drugs seizure operation.

Kabilang sa sinisiyasat umano nila ay ang pagkakasangkot ng ilang Pilipino, sa tangkang pagpupuslit ng illegal drugs kung saan hinihintay din nila ang ilang mahahalagang dokumento mula sa kanilang foreign counterparts.

Kinumpirma naman ni Nerez ang naging partisipasyon ni Police Executive Master Sergeant (PEMS) Aileen Jayne Manalo Mendoza, na siya umanong nag-ayos ng charter aircraft mula sa isang ALS Aviation para sa biyahe ng nasabing kontrabando, habang isang Sultan Rimbang naman ang tumatayong mastermind at financier ng illegal drugs shipment.

Sa panig ni Deputy Customs Commissioner for Intelligence Emmanuel Luis Licup, iniulat niya na ang Lao authorities ang siyang nakadiskubre ng tinatayang 521 kilos ng shabu habang ang chartered jet plane ay nasa bisinidad ng Luang Prabang International Airport at nagresulta rin sa pagka aresto ng ilang Malaysian, Filipino, Singaporean at Laotian nationals.

“Philippine authorities continue to assess whether any linkages exist between the reported foreign incidents and persons or entities in the Philippines,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Licup na ang drug shipment ay hindi nakarating sa Pilipinas at wala ring notice of arrival ang naisumite sa Bureau of Customs (BOC) kung kaya ang ulat na dito sa bansa ang pinal na destinasyon nito ay kailangan pa beripikahin mabuti.

Paliwanag ng Customs official, bukod sa final destination documentation, kailangan ding matukoy ang local recipients, financiers and facilitators, at local contacts nito.

Samantala, hiniling naman ni House Deputy Majority Leader at 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez na busisiin din mabuti ang pangyayari sa likod nang pagbabayad ng P5 million para jet plane rental.

“I think the number one question I have is how this police executive master sergeant was able to deposit P5 million to charter the flight and yet did not raise any red flags,” pahayag ni Gutierrez.

Kinumpirma ni Nerez na ‘cash’ na nakalagay sa duffle bag ang tinanggap ni PEMS Mendoza at ito ang nakipag transaksyon sa ALS Aviation.

Giit ni Gutierrez, dapat nai-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang naging transaction partikular ang pagpasok ng pera sa account ng nasabing aviation firm.

“But that’s something that we want to discuss with the AMLC kasi at any point, kapag ‘yung financial trail would lead into the actual business system, dapat na-flag na po yan,” giit pa niya.

Bilang tugon, sinabi ni AMLC representative Atty. Eranio Dumale na nakikipag-ugnayan na sila sa PDEA hinggil sa nabanggit na transaksyon ng lady police officer sa aviation company.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *