ISANG malinaw na indikasyon ng “impeachment fatigue” ang datos na inilabas ng Social Weather Station (SWS), ayon kay House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.

Ito rin aniya ang batayan ng prosekusyon sa pagbawi sa tatlong impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang kalatas, nanindigan si Luistro na angkop lang ang naging hakbang ng prosekusyon para maiwasan ng pagkabagot ng publikong naka subaybay sa impeachment trial kaugnay ng usapin sa pananagutan ng nasasakdal.

Base sa datos ng SWS, lumalabas na 42% ng adult Filipinos ang nakatutok sa Duterte impeachment trial, kumpara sa 47% nang si former President Joseph Estrada ang nililitis noong January 2001 at 54% naman sa impeachment trial ni former Chief Justice Renato Corona noong May 2012.

“That is the impeachment fatigue which I was talking about earlier,” anang Batangas lady solon sa SWS survey na nagsasabing mas mababa ang bilang ng mga Pilipino tinutunghayan ang Duterte impeachment trial.

Ayon kay Luistro, ang pagkawala ng interes o pagod ng mga publiko na subaybayan ang paglilitis ang pangunahing dahilan sa pagpapasya ng prosekusyon ng bawiin ang tatlong articles of impeachment laban sa bise presidente at tumutok na lamang sa Article II, na may kinalaman sa akusasyon ng unexplained wealth, maling pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at pagkakaroon ng ipinagbabawal na business interest ng huli.

Paliwanag ng lead impeachment prosecutor, dahil isang kaso na lang ang kailangan talakayin, iigsi na ang trial days at mapapadali na ang proseso ng paglalabas ng hatol kay Duterte.

“And that is one of our considerations why we decided to withdraw the three and pursue just one. Because alam po ng prosecution, as I have said, pagod na ang mga Pilipino, inip na ang mga Pilipino,” sabi pa ni Luistro.

Binigyan-diin naman niya na para kapakanan ng sambayanang Pilipino ang impeachment proceedings dahil ito’y itinatakda ng Saligang Batas para sa pagpapairal ng pananagutan o accountability sa hanay ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan, na kung mayroon alegasyon sa maling pagganap ng tungkulin, pang-aabuso sa kapangyarihan at pagtataksil sa tiwala ng taumbayan ay maisalang sa paglilitis, mahatulan at maparusahan kung napatunayang nagkasala.

“Ito po’y para sa Sambayanang Pilipino and therefore dapat kasama natin sila sa paglilitis na ito,” giit ni Luistro sa panawagan na ring huwag bumitiw ang publiko sa pagsubaybay sa impeachment trial kay Duterte.

“Karapatan po nilang matunghayan ang dulo ng napakahabang impeachment process na ito. Samahan niyo po kami hanggang sa pagtatapos ng impeachment trial na ito.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *