KUMBINSIDO si House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na talagang sabit sa akusasyon ng maling paggamit ng aabot sa P612.5 million na confidential funds si Vice President Sara Duterte dahil sa kabiguan ipaliwanag sa Commission on Audit kung saan napunta ang naturang pondo.

“Dalawang taon ang issue iyan, noong 2024 pa kung maalala ninyo. Eh nasa committee, nasa committee ko po iyan, sa Committee on Good Government,” paalala ni Chua.

“At saka, alam po ninyo, kung mayroon po talaga silang ebidensya, lalong-lalo na dito po sa confidential fund, unang-una, dapat nilang sinumite iyan sa COA,” giit pa niya.

Bukod sa kasama sa naunang impeachment articles na inihain sa Senate court, bago binawi ng prosekusyon, ang usapin ng confidential funds ni Duterte, nitong nakaraang buwan ay naungkat din ito.

Ito’y matapos na maglabas ng resolusyon ang Commission on Audit (COA) na pinal na kinakatigan ang naunang notice of disallowance nito sa P73.287 million ng confidential expenses ng Office of the Vice President (OVP) mula December 21 hanggang 31, 2022.

Base sa COA ruling, hindi umano sapat ang supporting documents na isinumite ng OVP para sa liquidation ng confidential fund disbursements nito, partikular ang pagbibigay ng rewards para sa information gathering at surveillance activities.

Ayon kay Chua, nagtataka siya kung bakit patuloy na kinukuwestyon ng kampo ni Duterte ang pag-ungkat sa naturang pondo gayung dalawang taon na ang nakalipas o sa isinagawang congressional inquiry ay may pagkakataon na itong magpaliwanag.

At ngayong naglabas ng desisyon ang COA, sinabi ng House prosecutor na patunay ito na talagang walang katibayan ang bise presidente para suportahan ang argumento walang mali sa paggamit nito ng confidential funds.

“Doon pa lang, wala naman po silang pinipresentang mga ebidensya.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *