SA pagkakalantad ng financial records ni Vice President Sara Duterte, tuluyan nang nabisto ang drama ng pangalawang pangulo.

Ito ang giit ni House impeachment adviser and trial spokesperson Ace Barbers, kasabay ng pangungutya sa tunay na estado ni Duterte — “‘pangkarinderya ang drama subalit ‘pangbilyonarya ang bulsa.”

“Ang tagong yaman o hindi maipaliwanag na yaman ng ating pangalawang pangulo, si Vice President Sara Duterte, ay bistado na, ayon sa ating prosecution team,” wika ni Barbers.

“Si VP Sara ay isang simpleng bilyonaryo daw. Pang carinderia ang drama pero pang bilyonarya ang bulsa,” dugtong ng dating mambabatas.

Ayon kay Barbers, hindi dapat ibaon sa limot ang mga ebidensyang naiprisinta ng prosekusyon kaugnay sa Article II ng impeachment case laban kay Duterte. Partikular na tinukoy ng impeachment trial spokesperson ang pagkakaroon ng P817.87 million undeclared assets at unexplained wealth ng bise presidente at mister na si Atty. Mans Carpio.

Giit niya, batay mismo sa sa bank records ng Duterte-Carpio couple, ang combined year-end balances ng dalawa ay nasa P59 million noong 2022; P71 million noong 2023; sa taong 2024 ay P22 million at P39 million nitong 2025.

Kinuwestyon ni Barbers kung bakit ang nasabing mga halaga ay hindi idineklara ni Duterte sa isinumiteng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).

Diin ni Barbers, maituturing na konserbatibo pa ang nasabing mga halaga, batay sa salaysay ni forensic accounting expert, lawyer-CPA Alexander Cabrera kaya P817.87 million na undeclared assets at unexplained wealth ng mag-asawa ay maaari pang umabot sa P1.5 billion.

Naniniwala si Barbers na mahihirapan ang depensa kontrahin ang mga documentary evidence prosekusyon na pawang mula sa official records ng mga bangko at ahensya ng gobyerno, gayundin ang mismong records ni Duterte, gaya ng SALN.

“Para sa akin mahihirapan talaga silang pasinungalingan itong mga dokumentong ito because number one, ’yung dokumentong ’yan ay hindi naman galing sa prosecution. Ito ay galing mismo sa kanila,” giit ng House impeachment adviser.

“’Yung records ba ng bangko, magbabago ba ’yan? Meron ba silang ipi-present na witness na sasabihin mali ’yung outstanding balances na iyan?” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *