KUNG pagbabatayan ang resulta ng pinakahuling Momentum Research survey, lumalabas na mas maraming Pilipino ang pabor na ma-convict ang pangalawang pangulo sa kinakaharap na kaso. Ito ang inihayag ni House Prosecution Panel adviser and spokesman Ace Barbers, kasabay ng giit na ang naturang survey ay isang malinaw na pahiwatig ng malakas na panawagan ng taumbayan — ang papanagutin si Vice President Sara Duterte alinsunod sa 1987 Constitution. Sa isinagawang survey sa pagitan ng October 16 at 19, pumalo sa 38.8 percent ng Filipino adults ang naniniwalang dapat na mahusgahang guilty ang bise presidente sa akusasyon ng unexplained wealth. Nasa 33.8 percent naman ang nais siyang mapawalang sala, habang may 22.6 percent ang hindi pa nakatitiyak at 4.7 percent tumangging magbigay ng sagot. “Malinaw ang mensahe ng survey: mas marami ang pabor sa conviction kaysa acquittal. Hindi basta-basta nawawala sa isip ng taumbayan ang usapin ng pananagutan, lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang yaman ng isang mataas na opisyal ng gobyerno,” wika ni Barbers. Ayon sa former Surigao del Norte congressman at governor, hindi maaaring balewalain ang agwat na five-percentage-point ng mga hindi nanalig sa nasasakdal lalo’t ang paglilitis ay nakatuon sa akusasyon naghahangad ng malinaw at kapanipaniwalang kasagutan o pagpapaliwanag. “Hindi sapat ang popularidad, apelyido, o lakas ng political machinery para sagutin ang mga seryosong tanong tungkol sa yaman at mga deklarasyon ng ari-arian,” dagdag pa niya. Hinggil sa naman sa 22.6 percent ng respondents ang nanatiling undecided, sinabi ng Mindanaoan solon na isang mahalagang paalala ito sa prosekusyon na dapat ipagpatuloy ang pag prisinta ebidensya sa malinaw at maayos na pamamaraan. “Ang hamon sa prosecution ay hindi ang makipagsabayan sa ingay ng pulitika, kundi ilatag ang mga dokumento, financial records, at mga katotohanang dapat suriin ng korte,” ani Barbers. “Ang mensahe natin ay simple: walang opisyal na dapat maging exempted sa pananagutan. Kung may mga tanong tungkol sa yaman na hindi maipaliwanag, sagutin ito nang malinaw at harapin ang ebidensiya. Hindi dapat manaig ang propaganda sa katotohanan, at hindi dapat manaig ang kapangyarihan sa hustisya.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Duterte, walang lusot sa ‘unexplained wealth’