MAYROONG P61.99 bilyong pondo ang handa nang gamitin ng Department of Agriculture (DA) para tugunan ang nakaambang epekto ng tinaguriang Super El Niño. Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food sa panukalang budget ng DA, kabilang sa mga tinukoy ni Agriculture Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo na pwedeng paggamitan ng pondo ang aspeto ng food production, proteksyon sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at ang pagtitiyak na magiging abot-kaya ang presyo ng mga produktong pagkain. Sa pagtatanong ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, chairman ng naturang komite, sinabi ni Manalo na ang bilyones na El Niño response funds ay nakapaloob sa 2026 national budget. “So, just for clarification, this is available?” usisa ni Enverga. “Yes, sir, this is chargeable to 2026,” tugon ng Agriculture official. Paliwanag ni Manalo, bahagi ng P61.99-billion funds ang P6.2 billion, na ipinamahagi na sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program. Para naman sa food security cluster ng binuong government’s interagency response, sinabi ni Manalo na ang DA ang siyang namumuno dito at may inilaang P35 billion para sa mga magsasaka o magtatanim sa pamamagitan ng pamamahagi ng production inputs, gaya ng iba’t-ibang binhi, planting materials at fertilizers. Sa water management measures, binanggit ng DA official ang pagpapatupad ng construction at rehabilitation ng irrigation systems, solar-powered irrigation facilities at small water impounding projects. Meron din aniyang cloud seeding activities, na isasagawa ng Bureau of Soils and Water Management, DOST-PAGASA at ng Philippine Air Force (PAF). Sa hanay ng livestock at poultry sector, magpapamahagi umano ang DA iba’t-ibang alagang hayop at veterinary products, habang sa fisheries naman ay may fingerlings distribution at pagtulong sa pagpapagawa ng fish cages. Hinggil naman sa UPLIFT program, sinabi ni Manalo na P3 billion ang inilaan pondo, na hinati-hati sa P1 billion para sa fuel subsidy sa mga magsasaka, P1 billion sa local fisherfolks at P1 billion sa trucker support. Para matiyak na magiging stable ang presyo ng basic food products, ang DA ay magsasagawa ng market surveillance, price monitoring, logistics at transport support, at ang pagpapalawak ng Kadiwa ng Pangulo caravans. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Villar: Mas matatag na food security vs El Niňo Pondo kontra Super El Niño, bantay sarado sa Kamara