ODIONGAN, Romblon — Ganap nang binuksan sa publiko ang bagong ICB Cockpit Arena. Bilang pambungad, agad na nagbitaw ang ICB ng tumataginting na P600,000 garantisadong premyo — bukod pa sa tropeong igagawad sa tatanghaling kampeon sa 6-stag derby. Sa isang kalatas, ibinida ng ICB ang anila’y alternatibo sa mga ilegal na online sabong sa pamamagitan ng isang makabagong pasilidad na gumagamit ng “machine-based betting system.” Ayon sa tagapangasiwa ng ICB, sa loob mismo ng sabungan isasagawa ang pagtaya. Paglilinaw ng ICB, hindi direktang konektado sa internet o anumang online betting platform ang paglalagak ng pusta. Makikita rin umano sa mga telebisyon sa loob ng arena ang aktwal na laban at payout, habang sa mga teller naman isasagawa ang pagtanggap at pagtatala ng mga taya. Nagtakda ang pamunuan ng ICB ng ₱100 ang minimum bet, habang walang itinakdang maximum na halaga ang pamunuan. Mayroon ding nakahandang parking area, comfort rooms, cashier at mga silid para sa mga crew upang maserbisyuhan ang mga dadagsa sa pasilidad. Tinatayang 200 hanggang 300 katao ang kasya sa mismong rueda, habang umaabot naman sa 2,000 mananaya ang kapasidad ng buong pasilidad. Mahigpit na ipatutupad ang seguridad sa lugar, kabilang ang bawal sa pagdadala ng baril at iba pang armas sa loob ng sabungan. Paalala ng pamunuan sa mga mananaya na tiyaking naaayon lang sa kakayahang pinansyal ang halagang itataya upang maiwasan ang labis na pagkakautang at pagkalugi, ang sabong umano ay isang libangan at hindi isang bisyo. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Mag-ina patay, nakulong sa nasunog na bahay