PIHADONG suntok sa buwan ang inaasam ng depensa na ipanalo ang kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte dahil sa tibay ng pundasyon ng mga ebidensyang inilatag ng prosekusyon. Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni House prosecution spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang mismong financial declaration ng nasasakdal at official records mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan. Ayon kay Alonto Adiong, hindi simpleng alegasyon ang inihaing kaso laban sa psangalawang pangulo lalo pa’t suportado ng mga dokumento ang reklamo. “All the evidence that we have provided to the court ay ang nag-prepare, ang nagsumite, subscribed to, notarized ay ang bise presidente,” dagdag pa niya. Kabilang sa mga tinukoy ni Alonto Adiong ang isinumiteng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ng akusado, tax records mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), bank documents na iba’t-ibang private financial institutitions at ang official reports mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). Giit ng Lanao del Sur lawmaker, ang mga nasabing dokumento ay silang pinagbatayan sa natuklasan ng prosekusyon, partikular ang naging analysis ng expert witness na si lawyer-CPA Alexander Cabrera, hinggil sa pagkakaroon ng hindi bababa sa P817 million unexplained wealth umano ni Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio. Ani Alonto Adiong, sapat na ang mga ebidensya at testimonyang naiprisinta ng prosekusyon sa Senate impeachment court para pagtibayin ang isinampang Article II o ang unexplained wealth, misdeclaration of SALNs at prohibited business interest complaint laban sa bise presidente. Sinabi rin ng House prosecution spokesman na matapos ang pagpapatawag ng defense team ng unang apat na testigo, bigo pa rin ang mga kampo ni Duterte sagutin ang sinasabing P817 million unexplained wealth ng nasasakdal. Napansin din ni Alonto Adiong na mas gustong talakayin ng depensa sa impeachment court ang mga maliliit na usapin sa halip na banggain ang financial findings ng forensic expert na si Cabrera. “I think gusto po ng depensa ang strategy nila is gibain ’yung naging forensic report ng isang expert in the person of Atty. Cabrera by simply focusing on very circumstantial na mga incidents,” sabi pa niya. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Taktika ni Pulong Duterte, minaliit ni Abante Cash, bank deposit itinago ni Duterte sa loob ng 7 taon?