MALAKING hamon para sa depensa magsumite ng karagdagang ebidensya at testigo para ipaliwanag ang buwanang bayad ng GenCorp Industries Inc. kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House impeachment prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, nanantiling malaking katanungan ang isiniwalat ng mismong defense witness na si Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp, na P2.14 million na natanggap ng bise presidente mula sa naturang kumpanya.

“’Yun pong talagang patunay kung bakit merong buwan-buwan na binabayad, eh hindi pa rin ho nila naipakita,” wika ni Ridon.

“’Yun po anuman ’yung dahilan bakit po ganoon ang tsekeng binibigay sa pangalawang pangulo, eh wala pong paliwanag ‘yun pong testigo po nila,” dugtong niya.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Punay na may mga tsekeng inisyu ang GenCorp para kay Duterte bilang return of capital para sa investment ng akusado sa isang Jollibee branch sa Davao City.

Ipinaliwanag pa ng defense witness na hiwalay ang financial interest ni Duterte sa isang fast food restaurant branch sa food franchise stores na ino-operate ng GenCorp, at nanindigan din walang koneksyon ang bise presidente sa huli, batay na rin sa General Information Sheet (GIS) na isinimite ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Bigo naman si Punay na magpakita ng written documents para matukoy ang original investment amount ng bise presidente at ang naging kasunduan sa pagtanggap nito ng bayad sa GenCorp.

Ilang senator-judges ang nag-usisa rin sa lady corporate lawyer kung bakit sa SALN ni Duterte ay may shares of stocks ito sa GenCorp sa kabila na hindi ito nakalagay sa GIS ng huli, pero mayroong natanggap na pera mula sa kumpanya.

Bunsod nito, inutos ni presiding officer Sen. Francis Escudero na ipa-subpoena ang supporting documents, kasama ang payment records at paliwanag kung paano itinala sa financial records ng GenCorp ang pagbabayad nito kay Duterte.

Subalit sinabi ni Ridon na hindi maaaring basta magpasok ng dokumento o ebidensiya ang depensa kung walang testigo na magpapatunay dito.

Sa ilalim ng rules on documentary evidence, ang authenticity at proper identification ng private documents ay kailangang mapatunayan sa pamamagitan ng competent evidence, hindi gaya ng public records, na maaari ang stipulated facts, party admissions at iba pang recognized exceptions ay maaaring ikonsidera nang hindi nangangailangan ng testimony mula sa original author ng dokumento

“So, sa dulo-dulo naman ho, ’yun pong Senator Judges ’yun pong magpapasya kung kumbinsido ba sila o hindi dito po sa mga sinasabi po ng mga bawat testigo po either namin or noong depensa,” paliwanag pa ni Ridon.

Samantala, iginiit ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na kailangang maipaliwanag ng depensa ang P319M China remittances at P4.4B financial transactions na iniuugay sa mag-asawang Duterte-Carpio.

Ani Chua, sa nakaraang paglilitis, ang tinalakay ng mga tagapagtanggol ni Duterte ay ang higit sa P200,000 na restaurant bills sa Japan at higit P200,000 din na biniling mga sapatos ni Carpio gamit credit card.

Ang mas mahalaga umanong maipaliwanag ay ang AMLC reports na pagpasok ng P319 million mula sa China sa bank account ng Cale88 Foods kung sa una ay lumabas na mayroong 47.5 percent shares ang mister ni Duterte.

Gayundin ang kabuuang P4.4 billion na naglabas-pasok umano sa bank accounts ng Duterte-Carpio couple, base pa rin sa ulat ng AMLC.

“There are bigger issues than this. Yung, halimbawa, yung mga 319 million na transactions with China, for offshore. ‘Yun pong sinabi ng AMLC executive director na 4.4 billion na transaction na pumasok at lumabas sa account ng mag-asawang Duterte-Carpio. Pero ang mga pinresenta po, yung pagkain sa Japan. Yun pong pagbibili ng sapatos na 200,000,” sambit pa ni Chua.

Hindi rin maintindihan ng Manila solon kung bakit iniatras ng defense team ang pagtestigo ng 16 bank officials, kasama na ang mula sa Bank of Philippine Islands (BPI), na nagkumpirma sa pagkakaroon sa kanila ng dollar accounts ni Duterte.

Giit ni Chua, kung maisasalang sa witness stands ang mga opisyal na ito ng banko, maaari malinawan ang nasabing P4.4 billion bank transactions at foreign remittances na iniuugnay sa nasasakdal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *