PARA kay House impeachment prosecution lawyer Atty. Benjamin Tolosa Jr., kaduda-duda ang dalawang ulit na pagsulpot ng isang senior bank executive sa Senate impeachment court para maging testigo ng depensa sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte. Partikular na tinukoy ni Tolosa si BPI senior vice president Paul Roderick Ysmael, na kasama ng iba pang kinatawan ng iba’t-ibang bangko na unang pumunta sa impeachment court dahil sa subpoena ng depensa upang maging saksi para sa panig ng bise presidente. Matatandaan na noong nakaraang Nobyembre 9, na panimulang araw para sa pagprisinta ng defense team sa BPI bank officials, biglang nagpasaya ang kampo ni Duterte kanselahin ang pagharap ni Ysmael. Imbes na isalang si Ysmael, pinaupo ng depensa sa witness stand sina Engr. Jaime Adalin, ang Davao City Assessor; Engr. John Kenneth Enumeraz, ng Island Garden City of Samal Assessor’s Office; Vingelin Bahan, city accountant ng Davao local government; at Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng Gencorp Industries Inc. Matapos na makapaglahad sa korte ang apat, muling namataan si Ysmael sa Senado at handa para tumestigo subalit sa paglilitis noong Nobyembre 12 ay pinaabot ni Atty. Michael Poa, isa sa defense counsel ni Duterte, sa mga senator-judge na hindi na ipatatawag bilang mga saksi ang 16 bank officials kasama si Ysmael. “Dito sa mga bangko, nandoon na ho lahat sa Senado, but then they (defense) decided hindi na pinatawag… Yung senior vice president ng BPI, dalawang beses pa ho pinabalik, hindi na rin tinuloy (ang pagsalang sa witness stand),” kuwento ni Tolosa. “So again, while it’s appropriate, I would at least say na medyo surprising ho ‘yon, ganun,” dugtong niya. Ayon kay Tolosa, kung natuloy ang pagbibigay ng salaysay ng BPI executive, tatanungin ng prosekusyon ang tungkol sa liham nito kay Poa kung saan nakasaad ang pagkumpirmang mayroong dollar accounts sa kanilang bangko si Duterte. Matatandaan na sa unang Anti-Money Laundering Council (AMLC) report na iprinisinta ng prosekusyon ay nakalagay ang foreign-currency transactions sa bank accounts na iniuugnay sa bise presidente at sa mister na si Atty. Manases Carpio. Subalit nagdesisyon ang impeachment court na tanging ang peso accounts lamang ng mag-asawa ang matalakay sa paglilitis, alinsunod na rin sa bank secrecy restrictions sa foreign currency deposits. Sa kabila nang pagkawala ng pagkakataong mabusisi ang sinasabing dollar accounts ni Duterte, sinabi ni Tolosa na nanatili pa ring matatag ang kasong inihain ng prosekusyon laban dito, batay na rin sa malalakas na mga ebidensiya at testigong naiprisinta nila sa korte. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Sariling testigo naglubog kay Duterte — Barbers Galanteng esposo ni Sara hirit talupan sa paglilitis