PARA kay Tingog partylist Rep. Jude Acidre, bahagi ng obligasyong-legal ang pagsilip sa magarbong paggastos nng esposo ng pangalawang pangulo.

Partikular na kinuwestyon ni Acidre ang labis na pagiging “galante” ni Atty. Manases Carpio sa mga biyahe sa ibang bansa.

Punto ni Acidre, hindi limirado sa pamilya ng isang government official ang legal na pamantayan sa paggamit ng pera, kesehodang kawang-gawa o tulong sa mga atleta.

“Kasi maliwanag po na sa Pilipinas, ayon sa ating saligang batas, ito po’y isang mandato. Ito po’y batas,” giit ni Acidre.

Ayon sa partylist congressman, malinaw ang nilalaman ng Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), na nag-aatas sa public officials at kani-kanilang pamilya na magkaroon ng payak o simpleng pamumuhay, na naaayon sa posisyon at suweldo.

Gayundin ang pagbabawal sa mga taga-gobyerno na maging maluho o magarbong pagpapakita ng kayamanan.

Naging mainit ang talakayan sa nakaraang November 12 impeachment hearing matapos na kastiguhin ni Senator-Judge Pia Cayetano ang prosekusyon sa pagkuwestyon ng P256,882.50 Nike shoes purchase ni Carpio sa Malaysia gamit ang credit card.

Giit ni Cayetano, binili lang ni Carpio ang mga sapatos bilang suporta sa mga kasamang batang basketbolista at hindi umano dapat pigilan o maging paglabag sa batas ang pagtulong sa mga manlalaro.

Paglilinaw ni Acidre, obligasyon pa rin ng pamilya ni Duterte ipaliwanag ang kapasidad ni Carpio magbayad ng malaking halaga.

“Sabi nga ng isa sa ating prosecution lawyer, ni Attorney (Amando Virgil) Ligutan, hindi po personal preferences ang pinag-uusapan dito. Hindi po yung kakayahan nga mismo ng empleyado or ng opisyal ang pinag-uusapan dito,” dagdag ng TINGOG partylist solon.

“Napatunayan nila na nagbayad nga talaga si Attorney Carpio sa kainan sa Japan, at napatunayan niya talaga na namili ng sapatos, whether that is ostentatious, whether that is extravagant, that will now belong to the determination of the court. But the factual kumbaga, the factual proof has been established already.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *