SA halip na isaayos ang serbisyo, plano ng Department of Transportation (DOTr) isapribado sa susunod na taon ang operasyon ng siyam na paliparan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.

Sa isang pahayag, nilinaw ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi ganap na bentahan ang nais ng kagawaran. Aniya, pinag-aaralan ng pamahalaan isailalim sa public-private partnership (PPP) ang operasyon ng siyam na regional airports bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.

Ayon kay Dizon, unang isasailalim sa bundled PPP ang mga paliparan sa Davao, Siargao at Bicol, na ikakasa sa unang tatlong buwan ng susunod na taon, alinsunod sa rekomendasyon ng pribadong kumpanyang nagpapatakbo sa Clark International Airport.

Inaasahan naman aniya ang pagdaraos ng bidding sa kalagitnaan ng 2027 para sa Iloilo Airport bilang isang hiwalay na package. Isasalang din umano sa bidding ang mga paliparan sa Bacolod, Puerto Princesa, Busuanga, General Santos, at Tacloban.

Ayon kay Dizon, layunin ng administrasyon na mapahusay ang pamamahala at operasyon ng mga paliparan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor.

Kabilang na sa mga airport na isinailalim sa PPP ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Bohol, at Bicol.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *