BILANG hukom, higit na angkop pagtuunan ni Senator-Judge Robin Padilla ang kasong dinidinig ng Senate impeachment court.

“Tungkol po ito (impeachment trial) kay Vice President Sara Duterte at ‘yung mga yaman po nilang mag-asawa, hindi po tungkol kanino man,” paalala ni House trial spokesperson and Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Partikular na tinugon ni Alonto Adiong ang litanya ni Padilla para sa prosekusyon na busisiin din ang paggasta at pamumuhay ng iba pang opisyal ng gobyerno.

“Unang-una po, nirerespeto po natin ‘yung mga opinyon ng Senator Judge. Pero hindi po ito tungkol sa kanila,” wika ni Alonto Adiong.

Sa nakaraang November 12 impeachment hearing, kinastigo ni Padilla ang prosecution panel sa pagkuwestyon sa pagbili ni Atty. Manases Carpio, esposo ng nasasakdal na si Vice President Sara Duterte, ng P256,882.50 halaga ng Nike shoes gamit ang credit card sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Una nang hinamon ni Padilla ang panig ng tagausig na siyasatin din kung paano gumagastos ang mga kapwa niya mambabatas at tanungin din kung paano nagkaroon ng mamamahaling mga sasakyan at ari-arian ang ilang public servants.

Ayon kay Alonto Adiong, batid niya ang karapatan ng senator-judges na maghayag ng kani-kanilang saloobin subalit dapat ding pakatandaan na ang impeachment proceedings ay tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente at iba pang nilalaman ng kinakaharap ng huli ng Article II impeachment complaint.

“Huwag ho nilang personalin ito, dahil tungkol po ito kay Vice President Sara Duterte at hindi po niya pagdeklara ng tamang SALN at yung hindi niya ma-explain na mga yaman, ng kanilang mga mararangyang pamumuhay,” giit ng Lanao del Sur solon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *