NI LILY REYES
WALANG kinalaman at lalong hindi bahagi ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa napaulat na signature campaign na nagsusulong ng Charter Change (ChaCha) sa paraan ng People’s Initiative.
Paglilinaw ni DILG Secretary Benhur Abalos, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na batas ang pangunahan o pakikialam man lang ng kagawaran ang anumang hakbang sa proseso ng People’s Initiative.
Dagdag pa ng Kalihim, bilang isang career service official ng gobyerno, di rin aniya sila pwedeng lumahok sa naturang ehersisyo.
“As far as DILG is concerned, yung mga empleyado namin, we are prohibited from doing it. Malamang na nakikita at nasusubaybayan lang natin,” batay sa pahayag ni Abalos sa ginanap na pulong-balitaan.
Giit niya, walang masama kung ang isang indibidwal ay gustong pumirma ng signature campaign na sumusuporta sa people’s initiative.
“Karapatan po ng tao yan kung gusto nilang pirmahan, karapatan nila. Ito ay ang tamang paggamit ng karapatan ng lahat,” pagtatapos ng DILG chief.
