NI ESTONG REYES
WALANG plano ang Senado palampasin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay ng malawakang brownout sa Western Visayas sa unang linggo pa lang ng taong 2024.
Katunayan, isa pang resolusyon naglalayong isalang sa imbestigasyon ang NGCP na itinuturong responsable sa power outage sa Panay Island ang inihain ni Sen. Win Gatchalian kasunod nina Senador Risa Hontiveros at Imee Marcos.
Ayon kay Gatchalian, layon ng Senate Resolution 891 na lumahok sa panawagan ng iba pang senador para imbestigahan ang malawakang power outage sa rehiyon.
Aniya, nararapat suriin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at iba pang kaugnay na batas, kabilang ang prangkisa ng NGCP para di na maulit ang naturang insidente – bukod pa sa hangaring tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa buong bansa.
Para kay Gatchalian, higit na angkop pag-aralan ng Senado ang mungkahing alisin at ilipat na lang sa ibang kumpanya ang systems operation function ng NGCP na dapat aniya’y tutukan na lamang ang transmission.
“Ang NGCP ang nag-iisang grid para sa transmission ng kuryente sa buong bansa, at anumang pagkabigo sa pagpapatakbo nito ay may malawak na epekto sa ekonomiya, kaligtasan ng publiko, at pambansang seguridad,” paliwanag ni Gatchalian.
Sa haba na walang kuryente sa Panay, napilitan ang gobyerno kanselahiin ang klase sa 733 pampublikong paaralan at mga kolehiyo sa loob ng dalawang araw.
Una nang naglabas ng hinanakit si Iloilo City Mayor Jerry Trenas. Ayon sa alkalde, sa loob lang ng tatlong araw, pumalo sa P1.5 bilyon ang nawalang kita ng gobyerno, pribadong sektor at maging yaong mga maliit na negosyo at mga obrero dahil sa tigil-operasyon.
Samantala, kumbinsido ang Department of Energy (DOE) na pwedeng iwasan ang island-wide blackout kung naging maagap ang NGCP. Anang DOE, may dalawang oras na window time na dapat ginamit ng NGCP para tawagan at abisuhan magbawas ng power load ang mga distribution utilities sa Panay.
Mungkahi pa ng energy department, bigyan ng poder ang Energy Regulatory Commission (ERC) na magpataw ng P2 milyong administratibong multa sa transmission concessionaire kada araw ng paglabag sa mga panuntunan sa regulasyon – kung hindi man 1% ng halaga ng mga proyektong naantala, at ang pagrepaso sa special tax privilege na iginawad sa NGCP.
