Ni Estong Reyes
LANTARAN at buong tapang na inakusahan ni Senador Ronald “Bato dela Rosa” si House Speaker Martin Romualdez na promotor ng Peoples’ Initiatives (PI) na kumakalap ng lagda sa maraming barangay sa bansa kapalit ng P100 hanggang P3,000 ayuda galing sa pondo ng pamahalaan.
Ayon kay Dela Rosa, may ilang kongresista ang umamin sa kanya na inutusan di umano sila ni Romualdez na isulong ang people’s initiative sa hangaring baguhin ang 1987 Constitution, kapalit ang ayuda.
Gayunpaman, pinabulaanan ni Romualdez ang akusasyon ni Dela Rosa kahit naunang kinumpirma ni Senador Imee Marcos na siya ang pasimuno ng peoples’ initiative gamit ang P14-bilyong pondo ng Commission on Elections (Comelec).
“No orders. I don’t know what Senator Bato is talking about,” ayon sa lider-kongresista.
Mahigpit na tinutulan ni Dela Rosa ang signature campaign na nagtatanong sa botante kung pabor itong amyendahan ang Article 17, Section 1 ng 1987 Constitution upang payagan ang lahat ng miyembro ng Kongreso na bumoto ng magkasama sa pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly.
Para kay dela Rosa, nilulusaw ng panukala ni Romualdez ang takdang kapangyarihan ng Senado na malayang makapagpasya sa anumang pagbabago sa Saligang Batas.
Kumbinsido rin ang senador na pansariling interes lang ang isinusulong ng amendments sa 1987 Constitution. Gayunpaman, unawa naman daw aniya ang mga kongresistang sumusunod sa kautusan ng lider ng Kamara.
“Mahirap na ha kasi kung komprontahin mo rin sila, sabihin nila sayo na, ‘Boss, pasensya ka na, just following orders lang kami. May orders ang aming speaker. So sunod lang kami sa order,’’’ ayon kay Dela Rosa sa press conference.
“So, following orders lang daw sila. So, mahirap din na sisihin mo sila pero kung tutuusin pwede talaga sisihin. Bakit ba por que orders, sunod ka lang nang sunod? Makikinabang ka rin siguro d’yan sa order na yan bakit ka sumunod,” giit niya.
Aniya, galing mismo kay Romualdez ang utos na isulong ang signature campaign kapalit ng P100 hanggang P3,000 ayuda, depende sa lugar at dami ng botante.
“Yun ang sabi sa akin ng congressman. Di ko na sasabihin kung sino baka mamaya magalit sa kanya, pagalitan siya,” ani Dela Rosa.
Ibinulgar pa ni Dela Rosa na nag-aalok ang ilang kongresista sa Davao City ng halagang P100 hanggang P3,000 kapalit ng lagda people’s initiative.
“Merong nag-iisyu sa Davao City, pipirma sila, inisyuhan sila ng claim stub. Pirma, claim stub, siguro para sa TUPAD [Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers] or sa AICS [Assistance to Individuals in Crisis Situations],” ayon kay Dela Rosa.
“Tanungin niyo kung sino ang mga congressman sa Davao except Congressman Pulong [Duterte], ‘di sila kasama d’yan. Tanungin niyo kung sino congressman ang nagpapaikot don,” aniya.
