Ni Estong Reyes
SA gitna ng mga ulat hinggil sa pagpasok ng International Criminal Court (ICC) sa bansa, isang hamon ang ipinarating ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay ng aniya’y balik-harap na posisyon ng administrasyon.
“What I am asking from this government is to be man enough, to please tell us what the real score is,” wika ni Dela Rosa sa isang pulong-balitaan.
Partikular na tinukoy ni Dela Rosa naging pahayag ni Justice Sec. Crispin Remulla na nagsabing hindi pipigilan ng pamahalaan ang mga isinasagawang imbestigasyon ng ICC kaugnay ng kasong inihain laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanya at sa iba pang dating opisyales sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
“Sabihin lang, wala namang problema diyan. Wala lang patalikod na transaksyon,” dismayadong hirit ng dating Philippine National Police (PNP) chief ni Duterte.
Bagamat usap-usapan ang di umano’y walang kahirap-hirap na pagpasok ng ICC investigators sa bansa para kumalap ng mga testimonya at ebidensyang gagamitin laban kina Duterte at iba pa, nanindigan naman si Remulla na walang pakikipag-ugnayan ang ICC sa kanyang ahensya.
Samantala, inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na natapos na ang imbestigasyon ng ICC at malapit nang magpalabas ng arrest warrant ang ICC laban kina Duterte, Dela Rosa at iba pang sangkot sa madugong giyera kontra droga – bagay na hindi lubos na pinaniniwalaan ni Dela Rosa.
“Kapag sinabihan mo ako noon na hindi sila pwedeng pumasok at ngayon nagbago ang ihip ng hangin pumayag na kayo na pumasok, please tell us. You are our president. You are our leader. Tell us so that we will know what to do.”
“I hope this government is kind enough to inform us. After all, we are citizens of this republic and we need protection from our government kung kinakailangan namin, ‘di ba?”
