HABANG abala sa isinasagawang lipat-bahay ng mga preso ng New Bilibid Prisons (NBP), isang mungkahi ang natanggap ng Bureau of Correction (BuCor) – bukod na piitan para sa mga Muslim na preso.
Sa isang pulong, partikular na iminungkahi ni Presidential Adviser on Muslim Affairs Almarin Tillah kay BuCor Director General Gregorio Catapang na ihiwalay ng bilangguan ang mga Muslim persons deprived of liberty (PDL) na ibiinibyahe patungo sa iba’t ibanng pasilidad ng kawanihan sa labas ng Metro Manila.
“Sa aming diyalogo at konsultasyon sa ating mga kapatid na Muslim sa iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, isa sa mga tinalakay ay ang kalagayan at hamon ng mga Muslim PDLs sa loob ng ating mga piitan at ang mungkahi na magkaroon ng hiwalay na bilangguan para sa mga Muslim PDL ay itinaas,” wika ni Catapang.
Paniwala ni Tillah, higit na mainam ang pamamahala ng mga piitan kung hiwalay ang ang mga Muslim.
Sa gayong paraan aniya, maiiwasan sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim bunsod ng magkaibang pananampalataya, kultura at tunggalian.
Gayunpaman, walang direktang tugon si Catapang. Ayon sa BuCor chief, kailangan pa nilang talakayin ang nasabing panukala kay Justice Secretary Crispin Remulla, kasabay ng pagtitiyak kay Tillah na lahat ng PDL sa ilalim ng pangangalaga ng BuCor ay pinahihintulutan na magsagawa ng kanilang pananampalataya.
Sinigurado rin ni Catapang na ang mga pagkaing inihahanda sa mga Muslim PDLs ay batay sa kung ano lang ang pinapayagan sa naturang relihiyon.
Sa datos ng BuCor, mayroong 2,803 Muslim PDL population ang BuCor. Sa naturang bilang, 1,039 ang nasa New Bilibid Prison, 661 sa Davao Prison at Penal Farm, 647 sa Sablayan Prison and Penal Farm, 207 sa Correctional Institution for Women, 135 sa Iwahig Prison and Penal Farm, 87 sa San Ramon Prison and Penal Farm at 27 sa Leyte Regional Prison.
