NAGSIMULA na mag-ikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang isang sindikatong nangangalap ng pondo kapalit ng siguradong panalo sa nalalapit 2025 national and local election.
Pag-amin ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, target ng naturang sindikato ang mga nais sumabak sa susunod na halalan.
Batay aniya sa nakalap na impormasyon ng Comelec, umiikot ang naturang grupo sa Luzon at Mindanao kung saan ipinangangalandakan di umano ang kanilang ‘contact’ sa Information Technology Department ng Comelec.
Aniya, naniningil ng hindi bababa sa P25 milyon para sa mga target masilat ang pwesto ng alkalde, habang umaabot naman sa P100 milyon para makatiyak sa posisyon ng gobernador.
“Sa mga kandidato, whether incumbent o hindi, may kumakalat po ngayon na mga sindikato na umiikot na kaya daw nila kayong panalunin in a matter of minutes. Kahit daw kayo’y pumikit na at hindi na mangampanya at hindi na mag-ikot-ikot ay panalo na,” sambit ni Garcia sa isang panayam sa radyo.
“Ang strategy ng mga ‘yan ay magpapa-advance kasi ‘yong kabila, ‘yong kalaban ninyo ay gusto na magbayad nang buo. ‘Eh syempre mas pabor kami sa inyo, eh baka pwede mag-advance ka na dahil kayo ang napipisil namin na dapat na mayor dito.’ Sabihin na nag-advance ka ng P10 milyon tapos umaasa ka na wala na, sitting pretty, eh natalo ka ngayon. Oh, papaano mo hahanapin ang mga tao na ‘yon?” dagdag ng Comelec chief.
Hiningan na rin aniya nila ng tulong ang National Bureau of Investigation (NBI) para sugpuin at panagutin ang nasabing sindikato.
“Sana kapag ‘yan lumapit sa inyo, arestuhin ninyo agad at tutulong kaming i-prosecute ang mga yan.”
