Ni JAM NAVALES
“HUWAG nating paabutin sa puntong huli na ang lahat bago tayo kumilos!”
Ito ang mariing ipinunto ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee kasabay ng kanyang pangangalampag sa liderato ng Senado na huwag itengga at agad pagtibayin ang panukalang ‘Blue Economy Act’.
“Blue economy refers to a practical ocean-based economic model using green infrastructure and technologies, innovative financing mechanisms, and proactive institutional arrangements for meeting the twin goals of protecting our oceans and coasts and enhancing its potential contribution to sustainable development, including improving human well-being, and reducing environmental risks and ecological scarcities,” ang paliwanag ng Bicolano lawmaker.
“Kailangan nating pangalagaan ang ating yamang tubig upang mapakinabangan din ito ng mga susunod pang henerasyon para Winner Tayo Lahat, maging ang ating mga apo sa tuhod at apo sa talampakan,” giit pa ni Lee.
Ayon sa AGRI partylist solon, ang House Bill 9662 (Blue Economy Act) na kanyang inihain sa Kamara ay naglalayong magpatupad ng mga polisiya at programa para sa ligtas na paggamit at patuloy na pagpapaunlad ng maritime resources ng bansa.
Bagama’t noong pang Disyembre ng nakaraang taong ipinasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala ni Lee, mistulang pinatulog naman aniya ng Senado ang kahalintulad na panukala sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Apela ni Lee, isalang at pagtibayin sa lalong madaling panahon ang senate version ng kanyang HB 9662.
Kaugnay sa pangangalaga at pagpapabuti sa marine resources ng bansa, hinimok din ng kongresista ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na i-update ang listahan nito ng ‘abandoned, undeveloped, and underutilized’ (AUU) ponds partikular ang saklaw ng Fishpond Lease Agreements (FLA).
Ani Lee, sa ilalim ng Amended Fisheries Code, tungkulin ng DENR, iba pang kinauukulan local government units at agencies at ng Fisheries and Aquatic Resources Management Councils (FARMCs) na tukuyin ang AUU fishponds na nasa ilalim ng FLAs upang agad na rin itong maibalik sa orihinal na mangrove state.
“Mangrove forests are important especially in coastal communities as they provide not only a source of food but also protect coastlines and prevent erosion,” sabi pa ni Lee.
“Malinaw po na nakasaad sa Republic Act No. 8550 o Fisheries Code na kailangan mayroong listahan ang DENR ng mga hindi na ginagamit o napabayaang palaisdaan. Responsibilidad din ng DENR na ibalik ang mga ito sa pagiging mangrove forests,” dugtong ng mambabatas.
Paalala ni Lee, dapat ipatupad ang mga batas sa pangangalaga sa kalikasan bilang proteksyon din ng mamamayan mula sa sakuna, at para mabigyan sila ng tiyak na kabuhayan, dagdag na kita, sapat at masustansyang pagkain, at mabawasan ang pangamba na wala silang panggastos sa tuwing tatamaan ng karamdaman.
