Ni JAM NAVALES
PARA kay AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes, malaking bentahe sa pag-unlad ng bansa ang pagpapababa sa buwis na ipinapataw sa stock transactions.
Sa pagtataya ni Reyes hindi bababa sa P4.3 trillion economic value – bukod pa sa inaasahang pagpasok ng mas maraming dayuhang kapitalista ang tapyas-buwis na kabilang sa isinusulong na probisyon sa ilalim ng panukalang House Bill 9277 na kanyang inihain sa Kamara.
“Ayon sa aming mga pag-aaral, inaasahang 4.3 trillion pesos in economic value ang darating sa Pilipinas kapag ibinaba ang tax rates sa stock market transactions,” wika ni Reyes na siya ring tumatayong vice-chairman ng House Committee on Health.
“These are funds that could greatly contribute to public health investing to ensure that the Filipino people are healthy and have access to adequate healthcare services,” aniya pa.
Sa ilalim ng HB 9277 ni Reyes, target ng kongresista amyendahan ang National Internal Revenue Code partikular ang pagpapababa sa stock transaction tax na mula sa six-tenths of 1 percent ay gagawin na lamang itong one-tenth of 1 percent.
Ayon sa AnaKalusugan partylist lawmaker, lalakas ang investor appeal ng Pilipinas at mas malaking oportunidad para sa mga active investors sa sandaling ganap na maging batas ang isinusulong na legislative measure.
“Buong bansa ang makikinabang dito dahil mas maraming local at foreign investors ang mahihikayat na ilagay ang puhunan nila sa ating stock market,” dagdag pa ni Reyes.
Kumpyansa rin ang kongresista na sa pagkakaroon ng mas mababang stock transaction tax, tataas din ang transaction volume sa Pilipinas, tulad sa nangyari sa Taiwan na nagpatupad ng reduced transaction tax, na mula 0.5 percent ay ginawang 0.25 percent na lamang kung saan kasunod nito ay sumipa ng higit sa anim na doble ang naitalang transaction volume.
“The case of Taiwan proves how tax reductions can stimulate investment and encourage wider participation in the financial market. By attracting more foreign and local investors, we can realize the potential of the financial sector to help in improving the lives of all Filipinos.” pagtatapos ni Reyes.
