MATAPOS ang pormal na pagsasalin ng operasyon ng paliparan sa pribadong sektor, tiniyak ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na walang anumang sibakan magaganap sa hanay ng mga manggagawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Part of the concession agreement is for the concessionaire to offer positions to existing employees of Manila International Airport Authority, be it regular employees, contract of service or job order. Ibig sabihin, walang mawawalan ng trabaho dito,” ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Dati nang inihayag ni Transportation Undersecretary for Planning and Project Development Timothy John Batan na obligado ang nanalong bidder – SMC-SAP & Company Consortium na ialok ang mga trabaho sa kasalukuyang mga manggagawa ng paliparan upang masiguro na walang mawawalan ng trabaho dahil sa privatization.
Pebrero ng kasalukuyang taon nang ihayag ng DOTr ang panalo ang SMC-SAP & Company Consortium sa 15-year concession deal na nagtutulak ng rehabilitasyon, operasyon at pagpapalawak sa NAIA.
