SA gitna ng matinding init na dala ng panahon at kawalan ng ulan dala ng El Niño phenomenon, patuloy ang pagbaba ng antas ng tubig na nakaimbak sa Angat Dam na nagsu-supply ng 90 porsyento ng water demand ng Metro Manila.
Batay sa pinakahuling abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 203.08 metro na lang ang water level ng naturang dam, mas mababa sa 203.25 na naitala kahapon (Marso 10).
Nasa 212-meter ang takdang normal operating water level ng Angat.
“Manageable pa naman…Sa ngayon po, patuloy na bumababa ito pero na-ma -manage natin ng maayos ang Angat Dam para pagkatapos ng effect ng El Nino at warm and dry season, we will be able to recover pagdating ng tag-ulan,” pahayag ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Analiza Solis.
Gayunpaman, kumbinsido si Solis na malaki ang tsansa ng pagpasok naman ng La Niña phenomenon – labis na pag-ulan – pagsapit ng mga buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre.
Bukod sa Angat Dam, nakapagtala rin ng pagbaba ng water level ang La Mesa Dam, Ambuklao Dam, Binga Dam, San Roque Dam, Pantabangan Dam at Magat Dam.
