KUHANG-kuha sa CCTV ang aktwal na pagtilapon ng lasing na rider na lulan ng nag-counterflow na motorsiklo nang salpukin ng kasalubong na AUV sa ibabaw ng Skyway sa Balintawak, Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), sinubukan pang pigilan ng mga nakabantay na empleyado ang rider nang pasukin ang bahagi ng Skyway patungo sa North Luzon Expressway.
Sa ilalim ng umiiral na reglamento, mahigpit na ipinagbabawal sa Skyway at iba pang toll roads ang mga motorsiklong mas mababa sa 400cc engine displacement.
Batay sa paunang imbestigasyon, nasa 80 kilometers per hour ang bilis ng motorsiklong tumatakbo sa salungat na direksyon hanggang sa sumalpok sa kasalubong na sasakyan. Dead on the spot ang hindi pinangalanang rider.
Bukod sa lasing, wala din umanong helmet at lisensya ang biktima.
