MABAHONG kulungan ang magsisilbing pansamantalang tirahan ng tatlo kataong nagpakilalang tao ni First Lady Liza Araneta, matapos dakpin ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay ng reklamong extortion.
Gayunpaman, hindi pinangalanan ng PNP-CIDG ang mga suspek na nangikil ng P5 milyon kapalit ng proteksyon sa emission testing at iba pa sa Land Transportation Office (LTO).
Dinakip ang mga suspek sa isang ikinasang operasyon sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Blvd., sa Pasay City.
Ayon kay CIDG Director Major Gen. Romeo Caramat Jr., ginamit ng mga suspek ang pangalan ni First Lady Liza Araneta sa mga pribadong kumpanyang pilit pinapasuka ng pera kapalit ng pangakong proteksyon sa negosyo.
Banta pa umano ng ng grupo, pakakansela ang lisensya at permit ng negosyo kung tatanggi sa alok na “tulong.”
Nahaharap sa mga kasong Robbery Extortion ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa Pasay City Police custodial facility.
