Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA gitna ng laganap na pamamayagpag ng mga sindikato sa likod ng illegal gambling, target ng isang prominenteng lider ng Kamara isalang sa imbestigasyon ang mga gobernador ng Laguna at Batangas.
Pag-amin ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, nakatakdang anyayahan ng Kamara sina Gov. Ramil Hernandez ng Laguna at Gov. Hermilando Mandanas ng Batangas para magbigay linaw sa di umano’y patuloy na paglaganap ng mga ilegal na pasugalan sa nasasakupang lalawigan.
“I would like to file a motion to invite the governor of Laguna here and probably the governor of Batangas, kung bakit hindi masawata ang pasugalan kasi ang kanilang salita ay batas,” wika ni Tulfo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on public order and safety hinggil sa illegal gambling sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Sa isang pahayag nanindigan si Tulfo na hindi maglalakas-loob magpasugal ang mga sindikato kung walang basbas ng mga punong ehekutibo.
“Pag sinabi ni governor, gusto ko tumigil ang sugal sa teritoryo ko, titigil po yan… maniwala po kayo sa akin. Titigil yan pag gusto ni governor o ginusto ni mayor,” aniya.
Una nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Calabarzon regional director Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas na masasawata lamang umano ang mga pasugalan kung may “political will” ang mga lokal na lider tulad ng mayor at gobernador.
