Ni LILY REYES
NAPAGLALANGAN kami. Ito ang nag-aalborotong pahayag ni Ombudsman Samuel Martires kaugnay ng talaan ng mga sinuspindeng opisyales at kawani ng National Food Authority (NFA) na di umano’y sangkot sa maanomalyang paluging pagbebenta ng bigas sa mga pribadong traders.
Pag-amin ni Martires, binawi na ng kanyang tanggapan ang suspension order na ipinataw laban sa mga taong batay sa isinagawang imbestigasyon ay kinabibilangan ng mga namayapa na bago pa man nangyari ang bulilyaso.
“Kung may pagkakamali sa listahan na iyan, hindi namin kasalanan iyon. Hindi ko alam kung sino nanloko sa amin,” dismayadong pahayag ni Martires sa isang panayam sa radyo.
Sagot naman ng NFA, inakala nilang talaan ng mga miyembro ng task force sa El Niño ay hiningi sa kanila ng Department of Agriculture – bagay na hindi kinagat ni Martires.
“Ang tanong lang namin, kung listahan ng task force ng El Niño, bakit sinama yung mga kawani na patay na? Ano purpose nun? Niloloko niyo ang Secretary of Agriculture?” ani Martires kasabay ng pagtitiyak na pananagutin ang nagtangkang manggoyo sa Office off the Ombudsman.
Sa kabuuan 23 sa kabuuang 139 pangalan sa listahang isinumite ng NFA ang tinanggal sa talaan ng mga nilapatan ng 90-day suspension order.
