Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Nancy Binay, hindi sapat ang closure order sa nabistong resort sa loob ng pamosong Chocolate Hills bayan ng Sagbayan sa lalawigan ng Bohol.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Binay na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Tourism, may mananagot sa aniya’y pambababoy sa ilegal na pagpapatayo ng resort sa Chocolate Hills na idineklarang National Geological Monument and Protected Landscape sa bisa ng Presidential Proclamation 1037 noong 1997.
Ayon kay Binay, hindi angkop na palusutin na lang ang katampalasan ng mga tiwaling opisyales ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan sa Chocolate Hills na kinilala ng UNESCO bilang World Heritage Site.
“The temporary closure (of Captain Peak’s Resort) does not remedy anything or reverse damages done to the environment. It is very clear that there were infractions and willful violations of law in all levels,” giit ni Binay.
“The extent of environmental degradation is simply unacceptable–hindi pwedeng walang accountable dito,” dagdag pa niya.
Aniya, malinaw na kapwa may sablay ang DENR at lokal na pamahalaan.
“Sa ngayon, marami nang nagsisilabasan na reports at memorandum orders about non-compliance, yung supposed violations committed, closure orders, cancellation of business permits, etc,… pero, walang gustong umako ng kasalanan, at medyo nagtuturuan na at naghuhugas ng kamay ang mga ahensyang directly involved in allowing the construction of a resort at Chocolate Hills,” dugtong pa ng senador.
Hindi rin aniya maibabalik ng temporary closure sa resort ang pinsala sa Chocolate Hills.
Paglilinaw ng lokal na pamahalaan ng Sagbayan, ginawaran nila ng building permit ang Captain’s Peak Resort matapos isyuhan ng Protected Area Management Board (PAMB) ng clearance sa naturang establisyimento noong buwan ng Enero ngayong taon.
Maging ang pamahalaang lalawigan, sinabing nakipag-ugnayan na sila sa kagarawan para hilingin pigilan ang pagtatayo ng nasabing resort sa lugar na pasok sa tinatawag na protected area.
