Ni JAM NAVALES
PARA kay AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee, ang Pangulo lamang ang dapat mamahala sa National Food Authority (NFA) sa gitna na rin na kinakaharap na kontrobersiya ng ahensya kaugnay na tinaguriang “bigas scam.”
“Kailangan nang i-take-over ni Pangulong Bongbong Marcos itong pamumuno sa NFA para mapabilis ang paglilinis sa ahensya, at epektibong matupad ang tungkulin nitong tulungan ang ating mga lokal na magsasaka,” pahayag pa ni Lee
“Hindi na dapat pinatatagal itong imbestigasyon sa NFA. Very obvious, dapat sibakin na nang tuluyan itong mga sangkot na matataas na opisyal ng NFA, itong mga palpak, corrupt at mga ‘di na nag-iisip kaya humantong sa ganito kalaking anomalya at pagdurusa ng ating mga magsasaka,” dugtong niya.
Ayon sa Bicolano lawmaker, hindi dapat palampasin ang mga sangkot na negosyante, kasabay ng mungkahing isama ang mga ganid at mapagsamantalang traders sa isinagawang imbestigasyon para tiyakin mananagot sa batas ang lahat ng mapapatunayan may sala.
Ayon kay Lee, ang mga lokal na magsasaka, konsyumer at maging ang hanay ng rank and file employees ng NFA ay damay at nagdurusa sa nadiskubreng katiwalian sa pagbebenta ng rice stock ng ahensya.
“Sa naka-padlock, natigil at apektadong operasyon ng NFA, lalo na ngayong anihan na, no choice ang mga lokal na magsasaka na ibenta ang kanilang ani sa mga traders sa presyong binabarat sila. No choice ang mga consumer na bumibili na lang ng mas mahal na bigas dahil hindi available ang NFA rice, dahil naibenta na sa mga traders. No choice ang mga karaniwang empleyado ng NFA – hindi ka sumunod sa utos, tanggal ka sa trabaho; sumunod ka sa utos, masasangkot ka sa anomalya at suspendido ka without pay,” sabi pa ni Lee.
“Ang tungkulin ng NFA: Tulungan ang mga magsasaka na kumita, tulungan ang mga biktima ng sakuna, tulungan ang mga consumers na makabili ng bigas na mas mura. Hindi yung mga traders pa ang lalo nilang pinakikita!”
Wika pa ng kongresista, dapat agarang masolusyunan ang kontrobersiya para protektahan ang interes at kabuhayan ng mga Pinoy farmers at maging ang katayuan ng mga inosenteng NFA employees, na nasuspinde kahit wala naman kinalaman sa pangyayari.
“Sa pag-takeover ng Pangulo, masisiguro na hindi mapaparalisa ang operasyon ng NFA, maipapatupad yung whole-of-government approach kung saan direkta na siyang magmamando sa mga dapat gawin ng NFA para tulungan ang mga lokal na magsasaka,” pagbibigay-diin pa ng AGRI partylist solon.
“Ang dapat lang na makabalik sa NFA ay yung mga empleyado na malinaw na nadamay lang. Kawawa ang pamilya nila lalo pa’t wala silang sweldo, isama pa ang psychological impact sa kanila ng kontrobersiyang ito,” dagdag niya.
Samantala, inihain ni Lee ang House Resolution No. 1625, na naglalayong marebisa, matukoy at solusyunan ang butas sa polisiyang pinatutupad ng NFA partikular sa sistema ng pag-iimbak ng bigas at pagbebenta nito.
“Winner Tayo Lahat kung malilinis ang NFA at mapapanagot ang mga tiwaling opisyal nito. Sa dagdag na kita para sa mga magsasaka, sa mas murang bigas para sa consumers, mas mapapagaan ang pasanin at pangamba nating lahat, tulad ng kawalan ng budget kung tayo ay magkasakit o ma-ospital,” pagtatapos ni Lee.
