TALIWAS sa inihayag na posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng isinusulong na Charter Change (ChaCha), puntirya ng isang opisyal ng Palasyo na gawin anim na taon ang bawat termino ng mga kongresista sa Kamara de Representantes.
Bukod sa mga congressman, iminungkahi rin ni Presidential Adviser Larry Gadon sa Senado at Kamara na isama na rin sa pagpapalawig ng termino ang mga halal na opisyales ng lokal na pamahalaan kabilang ang gobernador, vice-governor, board members, mayor, vice-mayor at mga miyembro ng konseho.
Katwiran ni Gadon sa isang liham na kanyang ipinadala kina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez – makakatipid ang gobyerno kung kada anim na taon na lang magdaraos ng halalan.
Paglilinaw ng tagapayo ng Pangulo, hindi kasali sa kanyang mungkahi ang Presidente, Bise-Presidente at mga Senador.
“To dispel perceptions of extending incumbent official’s terms, maintain the term limit for the president, vice president, and senators, with no possibility of reelection, and retain existing provisions of succession.”
Sakali ikonsidera ng Kongreso ang kanyang mungkahi, hindi na rin aniya dapat lumahok sa 2028 election ang mga congressman at elected local officials na nakatatlong termino na.
“We are spending P10 to P12 billion every election – funds which could have been used to boost rice production or defray the cost of construction of schools and hospitals.”
