MULA Enero hanggang sa buwan ng Marso ngayong taon, pumalo na sa 49 katao ang binawian ng buhay bunsod ng sakit na “pertussis,” ayon mismo sa Department of Health (DOH).
Batay sa datos ng DOH, nakapagtala na ng 862 kumpirmadong kaso ng pertussis sa iba’t ibang bahagi ng bansa – pinakamarami sa Mimaropa na may 187 kumpirmadong kaso, Metro Manila na may 158, Central Luzon na may 132, Central Visayas na may 121, at Western Visayas na may 72 kaso.
Sa naturang bilang 79% ang edad lima pababa.
Nasa 66% naman sa mga batang tinamaan ng pertussis ang walang rekord ng bakuna – kung hindi man walang kahit anong bakuna.
Paglilinaw ng DOH, hindi limitado sa mga bata ang naturang karamdaman. Katunayan anila, 4% ng kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ang pasok sa kategorya ng “adult.”
“The DOH is cautious in interpreting trends as the number of cases may still change as there may be late consultations and reports,” saad sa isang kalatas ng ahensya.
“Furthermore, the effects of increasing immunization efforts to stem the outbreak may not be seen in the data until 4-6 weeks after they are started,” dagdag pa ng DOH.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, hindi lang sa Pilipinas dumadami ang bilang ng kaso ng pertussis. Aniya, apektado rin ng naturang sakit ang United Kingdom na may 553 kaso para lang sa buwan ng Enero.
