
Ni LILY REYES
SA hangarin tiyakin ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral, naglabas ng direktiba ang Quezon City government sa mga pampublikong paaralan – walang klase sa sandaling pumalo sa 40 degrees Celsius ang heat index sa nasabing lungsod.
Sa kalatas ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ibabatay aniya ng pamunuan ng mga pampublikong paaralan ang rekomendasyon para sa kanselasyon ng klase para sa susunod na araw sa forecast heat index na isinasapubliko bandang alas 5:30 ng hapon
Batay sa pinakahuling pagtataya ng temperatura ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council, inaasahan ang matinding alinsangan sa mga susunod na araw.
“Kapag ang heat index ay umabot ng 40ºC, otomatikong ipatutupad ang alternative delivery modes of learning (synchronous / asynchronous),” ani Belmonte.
Nitong nakaraang Miyerkules, halos 4,000 paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagsuspinde ng klase sa eskwela dahil sa matinding init na dala ng panahon at patuloy na epekto ng El Niño phenomenon.