NAKIKIISA ang Civil Service Commission (CSC) sa mga opisyal at empleyadong Muslim na nasa serbisyo publiko para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr na hudyat sa pagtatapos ng Ramadan.
Sa panahon ng Ramadan, hinikayat ng CSC ang mga Muslim civil servants na ikonsidera ang pag-uulat sa ilalim ng flexible working arrangements (FWA) para bigyang-daan ang mga gawaing panrelihiyon – na hindi apektado ang operasyon at serbisyo ng gobyerno.
“The CSC recognizes the significance of Ramadan to our Muslim brothers and sisters. In line with our commitment to promote inclusivity and respect for diversity, we encouraged government agencies to implement FWA to support our Muslim employees during this sacred period,” ani Chairperson Karlo Nograles.
Ipinaliwanag ni Nograles na pwedeng gamitin ng mga Muslim na lingkod-bayan ang mga patakaran sa FWA sa gobyerno alinsunod sa CSC Memorandum Circular 06, series of 2022, na inilabas noong Hunyo 6, 2022.
Batay sa CSC Resolution 81-1277 na may petsang 13 Nobyembre 1981, ayon sa paglilinaw ng CSC Resolution 00-0227 na may petsang 26 Enero 2000, ang oras ng pagtatrabaho para sa mga Muslim na nasa gobyerno ay maaaring i-adjust mula 8 a.m. hanggang 12 p.m. at 1 p.m. hanggang 5 p.m. hanggang 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m. nang walang pahinga sa tanghali, at ang dalawang oras na pagkakaiba ay hindi mabibilang na undertime.
Bukod pa rito, tuwing Biyernes, o araw ng pagdarasal ng mga Muslim, ang mga Muslim ay “excused” sa trabaho mula 10 a.m. hanggang 2 p.m.
Upang matiyak ang pagsunod sa ipinag-uutos na oras ng trabaho kada linggo, pinaalalahanan ng CSC ang iba’t ibangg sangay ng pamahalaan magpatupad ng flexitime — isang kaayusan sa pag-iskedyul na nagpapahintulot sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na magtrabaho ng walong oras sa pagitan ng 7:00 a.m. at 7:00 p.m. bawat araw, hanggang sa mapunan ang 40-oras na trabaho para sa buong linggo.
“We would also like to remind the agencies to ensure that all their stakeholders are assured of continuous public service delivery from 8:00 a.m. to 7:00 p.m., including lunch break, throughout the workweek. By adopting flexible working schemes, we can ensure inclusivity and promote cultural and religious awareness for our Muslim brothers and sisters especially during Ramadan,” dagdag pa ni Chairperson Nograles.
Ang kumpletong impormasyon sa CSC Memorandum Circular No. 6, s. 2022, ay makukuha sa website ng CSC sa www.csc.gov.ph.
