KASABAY ng pagkilala sa hanay ng mga healthcare workers (HCW) bilang bayani ng makabagong panahon, umapela ang isang senador sa pamahalaan na huwag ipagkait ang benepisyo ng naturang sektor.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Senador Bong Go ang Health Emergency Allowance (HEA) na aniya’y hindi pa rin natatanggap ng mga HCWs hanggang ngayon.
Paglalarawan ni Go, maihahalintulad ang kagitingan ng mga HCWs sa kabayanihang ipinamalas ng mga pambansang bayani tulad nina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Gregorio del Pilar, Antonio Luna, Gabriela Silang at iba pang sumagupa sa mananakop hanggang kamatayan para sa ipinaglalabang kalayaan.
Ayon sa senador, hindi maikakaila ang ambag ng mga doktor, nurse at iba pang nasa medical sector sa pagsagupa sa peligrong dala ng pandemya mula taong 2020 hanggang 2021.
“Sila po ang mga bayani sa panahon ng pandemya. Hindi natin mararating ito na bumalik tayo sa normal kung hindi dahil sa kanilang sakripisyo,” ani Go hinggil sa kabayanihan ng mga healthcare workers na tinamaan – kung hindi man nasawi sa hangaring tugunan ang karamdaman ng milyon-milyong Pilipinong tinamaan ng COVID-19.
“Mula noon hanggang ngayon, hindi ako tumitigil sa pag-apela sa gobyerno na ibigay na ang pending Health Emergency Allowance sa mga kuwalipikadong HCWs,” sambit pa ni Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health.
