Ni LILY REYES
TALIWAS sa paniwala ng marami, mahaba-haba pa ang kailangan pagtiisan ng mga mamamayan dahil posibleng kainin pa ng ibayong init ang buong buwan ng Mayo.
Ayon sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), tatagal pa ang nararanasang sukdulang alinsangan dala ng magkasabay na epekto ng summer at El Niño phenomenon.
Sa ulat ng PAGASA, lumampas sa 40 °C ang heat index sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad ng Camarines Provinces, Palawan, Cavite City, at Zamboanga City kung saan naglaro sa pagitan ng 42 hanggang 43 degrees Celsius temperatura.
Sa Dagupan City, nakapagtala ang state weather bureau ng ng 44ºC heat index nitong Miyerkules.
Babala ni PAGASA Weather Specialist Benison Estareja sa mga residente ng Metro Manila, posibleng pumalo sa 40-41°C heat index sa mga susunod na araw.
“Kung pagbabasehan natin ‘yung climatological normal, ‘yung ating heat index, by the end of April, possible pa ring maglaro between 42 to 48 °C. Posibleng umabot ng 48 °C sa ilang mga lugar. Nangyari na rin ito noong nagdaang taon. And then pagsapit ng Mayo, may mga lugar na naglalaro between 48 hanggang 51 degrees Celsius ng ating heat index,” paliwanag ni Estareja sa isang panayam.
Ayon sa PAGASA, sa mga lugar na nakakaranas ng heat index mula 42°C hanggang 51°C, posibleng magkaroon ng heat cramp at heat exhaustion, at may posibilidad rin na magka-heat stroke kung patuloy ang pagkakalantad.
Kabilang sa mga sintomas sa heat-related illnesses ay ang matinding pagpapawis, pagkahapo o pagkapagod, pagkahilo, mahina ngunit mabilis na pulso, pakiramdam ng pagduduwal, at pagsusuka.
